Ang Ullalim ang epikong-bayan ng mga Kalinga sa Cordillera. Isang bantog na bayani sa naturang epikong-bayan si Banna ng Dulawon. Noong 1974, inilathala nina Francisco Billiet at Francis H. Lambrecht ang ilan sa kaniyang mga pakikipagsapalaran.
Buod ng Ullalim
Sa Nibalya da Kalinga (Kasal ng Magkaaway), sinalakay nina Banna ang isang nayon para mamugot. Nagkaroon ng madugong labanan at napahiwalay siyá sa mga kasáma. Dahil tinutugis ng mga kaaway, naisip niyang tumalon sa ilog at magpatangay sa agos. Nakarating siyá sa isang kaaway na nayon at nakita ni Onnawa, na dagling umibig sa kaniya. Nag-iisa noon si Onnawa dahil nása pamumugot din ang ama at mga kanayon. Nagsáma sina Banna at Onnawa bago umuwi ang mandirigma. Nabuntis si Onnawa, at para mailihim ang nangyari ay ipinaanod sa ilog ang sanggol na si Gassingga, kasáma ang mga handog sa kaniya ni Banna. Mabuti’t nasagip ang sanggol ni Mangom-ombaliyon at pinalaking isang mahusay na mandirigma.
Si Banna naman ay nanligaw sa magandang si Laggunawa. Ngunit ang gusto ng ama ng babae ay ipakasal ito sa sinumang makapapatay sa higanteng si Liddawa. Marami nang mandirigmang nabigo na mapugot ang ulo ni Liddawa. Nabalitaan din ni Gassingga ang kondisyon ni Laggunawa at nagpasiyang lumahok. Nagdalá siyá ng alak sa nayon ni Liddawa at hinámon ang lahat ng inuman. Nang malasing si Liddawa, pinugot ni Gassingga ang ulo nitó at dinalá sa bahay ni Laggunawa. Ipinabalita ang kasal nina Gassingga at Laggunawa.
Nagalit si Banna sa nangyari at nagsadya sa bahay ni Laggunawa. Hinámon niya ang hindi nakikilalang anak. Nag-isip ng paraan si Laggunawa para mapigil ang labanan. Binigyan niya ng pagsubok ang dalawa. Nagwagi sa pagsubok si Banna. Ngunit kinain ng malaking sawá si Gassingga. Ipinasiyang iligtas si Gassingga. Pati si Mangom-ombaliyon ay dumating. Nailigtas ni Banna si Gassingga at nakilala ang anak. Sa dulo, nagkaroon ng dalawang kasalan. Binalikan ni Banna si Onnawa para pakasalan. Ikinasal din sina Gassingga at Laggunawa.