Tuwaang (Epiko ng Mindanao)

Tuwaang ang pamagat ng epikong-bayan ng mga Manobo, mga taong nakatira sa hanggahan ng Cotabato, Bukidnon, at Davao, at tungkol sa pakikipagsapalaran ng bayaning si Tuwaang. Sinasabing may mahigit sa 50 kanta ang mga Manobo tungkol kay Tuwaang. Dalawa sa mga ito ang naitala at ipinalathala ni E. Arsenio Manuel, ang Mangovayt Buhong na Langit (Ang Dalaga ng Langit Buhong) at Midsakop Tabpopowoy.

Buod: Ang Dalaga ng Langit Buhong

Sa “Ang Dalaga ng Langit Buhong”, pumunta si Tuwaang sa lugar ni Batooy upang pakasalan ang kararating lamang na dalaga ng Langit Buhong. Matapos ang mahabàng paglalakbay, nagpahinga si Tuwaang malapit sa dalaga, at naikuwento nito na may isang higanteng binata ng Pangumanon na nais siyang pakasalan. Nang hindi pumayag ang dalaga sa kahilingan ng binata, sinunog ng lalaki ang kaharian ng babae. Tumakas siya sa kalupaan upang magtago. Nang matapos ikuwento ito ng dalaga ay dumating ang binata ng Pangumanon, pinatay ang mga tao, at hinamon si Tuwaang sa labanan. Natalo ni Tuwaang ang taga-Pangumanon.

Buod: Ang Pagdalo sa Kasalan

Sa “Ang Pagdalo ni Tuwaang sa Kasalan”, naimbitahan si Tuwaang sa kasalan ng Dalaga ng Manawon at ng Binata ng Sakadna. Dumating si Tuwaang sakay ng gungutan, isang malaking ibon. Nang dumating ang lalaki sa Manawon, minasama ng binata ng Sakadna ang pagdalo ni Tuwaang. Sinabi ni Tuwaang na isa rin siyang bagani kung kayâ nása kasalan. Nang sinimulan na ang paghahandog ng mga regalo, hindi naibigay ng Binata ng Sakadna ang gintong gitara at plawta. Sinagip ni Tuwaang ang binata at siya na ang nagbigay ng mga ito. Lumabas ang dalaga at inutusan ang lalagyan ng kaniyang nganga na magbigay nito sa mga bisita. Huminto ang mahiwagang lagayan ng nganga sa tapat ni Tuwaang. Tumabi pa ang dalaga kay Tuwaang. Nagalit ang binata ng Sakadna at hinamon si Tuwaang na maglaban. Matagal ang labanan at nahirapan si Tuwaang bago natuklasan ang lihim ng lakas ng kalaban. Sakay ng gungutan, umuwi si Tuwaang sa kaniyang kaharian kasama ang dalaga ng Manawon.

tuwaang