Ang pagpasok sa kaharian ng Diyos ay maitutulad sa talinghagang ito.
Mayroong sampung dalaga na lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Lahat sila ay may dalang ilawan. Lima sa mga dalaga ay matatalino samantalang ang lima ay hangal.
Bagama’t may dala-dalang ilawan ang limang dalagang hangal, wala naman silang baon na langis na reserba. Kabaligtaran naman ng limang dalagang matatalino dahil bukod sa kanilang ilawan na dala ay mayroon pa silang baong langis.
Naantala ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya naman ang mga dalaga ay inantok at nakatulog sa paghihintay.
Nang maghatinggabi na ay may sumigaw at sinabing, “Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas na kayo upang salubungin siya!”
Mabilis na bumangon ang sampung dalaga at agad na inayos ang kani-kanilang ilawan.
Napansin ng mga dalagang hangal na aandap-andap na kanilang ilawan kaya naman sila’y humingi ng langis sa mga dalagang matatalino.
Ngunit pinayuhan ng mga matatalino na pumunta na lamang ang mga hangal sa tindahan upang bumili ng langis dahil baka hindi magkasya sa kanilang lahat ang dala nilang langis.
Kaya naman agad na lumakad ang limang babaeng hangal upang bumili ng langis.
Di nagtagal ay dumating ang lalaking ikakasal at ang nasumpungan niyang limang dalaga ay kasama niyang pumasok sa kasalan saka isinara ang pinto.
Pagkaraan ay dumating ang limang dalagang hangal at nakiusap ng, “Panginoon, panginoon, papasukin po ninyo kami!”
Ngunit tumugon ang lalaking ikakasal at sinabing, “Sino ba kayo? Hindi ko kayo kilala.”
Pagkatapos nito’y sinabi ni Jesus, “Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw ni ang oras.”