“PAMANA” ni Lamberto Gabriel

Dapit-hapon na. Sa pagkahiga sa papag ay nakikita ni Mang Karyas ang anino ng malabay na akasyang sumasablay sa dingding na sasag ng silid. Dapithapon na nga. Naririnig na niya ang sunud-sunod na pagkukukiya ng asawa sa kanilang alagang mga manok.

Kruuuuk. . . kiya. . . kruuk. . . tikatik. . . tik. . . tik. . .

Makasandali pa ay narinig na ni Mang Karyas ang tila naghahabulang mga paa ng nagsisipanakbuhang mga sisiw, inahin, at katyaw. Nakinita –kinita niya ang asawa, si Aling Asyang, na nakaupo sa nakahigang lusong at may kandong na bilao ng mais.Mabubuudbod na si Aling Asyang. Naging ugali na nitong patukain ang mga manok bago iyon magsipag-hapunan sa kanilang masinop na silong.

Hiyuu… hiyu. . .hiyuuuu. . .

Mandi’y binubugaw ni Aling Asyang ang kapong baboy na gayong kapapakain pa lamang ay nanginginain pa ng mais na ibinubudbod sa mga manok.

Maya-maya’y narinig ni Mang Karya ang sunud-sunod na kahol ni Sagani. Alam ni Mang Karyas kung sino ang kinakahulan ng aso. Iyo’y ang kanyang matandang kalabaw, si Pugante, na umuwi buhat sa pakawalaan. Magkaaway na mahigpit ang kanyang kalabaw at aso.

Inut-inot na bumangon si Mang Karyas sa pagkakahiga sa papag. Nais niyang makita si Pugante. Parang may isip ang kalabaw niyang iyon. Itataboy iyon ni Aling Asyang kung umaga, manginginain sa pastulan, at uuwi iyon kung ganoong magdadapithapon.Hindi na kailangang saklawan pa si Pugante. Nalalaman nito kung anong oras dapat umuwi.

Kapag nakikita ni Mang Karyas ang kalabaw ay hindi niya napipigilang kahabagan iyon. Matanda na si Pugante. Payat. Wala na ang dating laman sa dalawang hita. Kung wala lamang siyang sakit ay hindi magkakaganoon ang kanyang kalabaw.

Mabagal nang lumakad si Pugante. Kung nadadala niya marahil ito sa higit na madaramong pastulan ay hindi mananalim ang dati nitong bilugang likod. Naihambing ni Mang Karyas ang sarili sa kalabaw. Kapwa na sila matanda. Subalit malaki ang kanilang pagkakaiba. Laya si Pugante samantalang siya’y namamalagi sa papag na iyon., nasasabik makabangon, makapanaog. . .

Matagal nang hindi nadadalaw ni Mang Karyas ang bukid. Malapit lamang sa kanila iyon. Kung durungaw siya’y matatanaw niya iyon. Kung gabi’y dinig niya ang ingay ng traktorang gumigiik ng ani ng kanyang mga kahangga. Lihim na naiinggit si Mang Karyas sa kanyang mga kahangga. Kung hindi niya marahil napabayaan ang bukid ay kabilang siya sa maliligayang magsasakang nagbibilang ng mga kaban ng palay.

“Tssk. . . tssk. . .tssk. . . Aba’t lalo pang binagalan . . . “

Napahawak nang mahigpit si Mang Karyas sa palababahan ng bintana nang Makita niyang pabiglang hinatak ni Aling Asyang sa paghapon ang nagmamabagal na kalabaw. Nakaramdam siya ng pagkaawa sa matandang kalabaw. Nagpumiglas at tila naghimagsik ang nakabalatay na mga ugat sa kanyang mga bisig.

Nang makaradam ng pangangawit si Mang Karyas ay itinukod niya ang bisig sa papag upang huwag mabigla ang kanyang paghiga. Ilang sandali lamang siyang naupo subalit sumasakit na ang kanyang likod. Nakagat ni Mang Karyas ang labi nang sumayad ang katawan sa papag.

“Darating na raw ang anak mo, Karyas. Dumaan kanina si Pablo at sinabi sa akin. Mamayang gabi raw,” narinig niyang pagbabalita ng asawang nagluluto sa dapugan.

“Ngayon pang gabi ay humuli ka na ng dumalaga, Asyang,” habilin ni Mang Karyas.”Ipagpatay mo si Kiyel.”

Malalim ang bunting-hiningang hinugot ni Mang Karyas sa dibdib. Naisaloob niyang matutupad na rin ang kanyang pangarap na mahango sa bukid ang anak. Sumingit sa kanyang kamalayan ang nangyari nang minsang tangkain ng anak na tulungan siya sa pag-aararo.

“Kiyel, Anak.” Natatandaan pa niyang sinabi sa anak, “mag-aral ka sanang mabuti. Sa kabila n gating kahirapan ay itataguyod ka naming ng iyong ina.”

Napadiin noon ang ugit ng ararong hawak ni Kiyel.

“Hindi ka sadyang laan dito sa bukid, Kiyel. Hindi ganyan ang pag-aararo. Patag ang kailangang paghawak sapagkat sa minsang magkamali ka ng diin aay mababali ang sudsod.”

1

Natitigan siya noon ni Kiyel. Alam niyang sa titig na iyon ay kinahahabagan siya ng anak.

“Matanda na kayo, Tatang. Ipaubaya na ninyo saa akin ang paggawa rito sa bukid. Kailangan na ninyong mamahinga.”

“Hindi mo ako nauunawaan, Anak. Tingnan mo ako. Ilang taon na akong naging alipin ng araro? Tingnan mo ang aking kamay, kulay sunog. Isa akong magsasaka, Kiyel. Kaya lamang ako nasisiyahan sa paggawa sa bukid ay sapagkat dito ako nakalaan. Kailangang mag-aral ka, nang hindi mo malasap ang hirap na aking dinaranas, nang maging higit na maganda ang iyong kinabukasan. Magsikap ka, Anak, at sa pamamagitan ng bukid na ito’y igagapang ka naming ng iyong ina.Kaligayahan naming Makita kang Malaya sa ugit ng isang araro.”

Hindi kumibo si Kiyel nang sabihin ni Mang Karyas iyon sa kanya. Nalalaman ni Mang Karyas na nahihirapan an anak sa pagtatakwil sa buhay-magsasakang kinagisnan. Subalit na kay Kiyel ang lahat ng katangiang mapupuhunan sa pagtatagumpay. Hindi siya nangangambang mabibigo si Kiyel.

Nang minsang umuwi si Kiyel ay ganoon na lamang ang galak ni Mang Karyas nang isalaysay nito ang ginagawang pagsisikap sa pag-aaral. Nagmamalaki ang kanyang puso. Ngayo’y may karapatan na siyang magmalaki sa nayon: mayroon na siyang anak na nakapag-aral.

Mamayang gabi ay darating si Kiyel.Maligayang-maligaya si Mang Karyas sa pagkakahiga sa papag. Sa wakas ay malalagot na rin niya ang tanikalang nag-uugnay sa kanilang mag-ama sa bukid. Malalagot na niya iyon- sa pamamagitan din ng bukid na sinasaka.

Parang nag-iinit ang katawang napaupong muli si Mang Karyas sa papag. Isinaklay niya ang kamay sa palababahan ng bintana at tinanaw ang dakong pagbubuhatan ng anak. Naramdaman ni Mang Karyas ang malamyos na dapyo ng amihan sa kanyang pisngi. Naramdaman niyang parang nasabukay ang maputi na niyang buhok.

Gumagala ang kanyang paningin sa bukid. Sa kumakalat na kadilima’y nababanaagan pa niya ang punong manggang naghuhumindig sa kalagitnaan ng kanyang bukid. Napangiti si Mang Karyas. Bukid din niya ang magpapalaya sa kanyang anak. Nagbangon sa kanyang alaala ang paggawa sa saka. Sa silong ng ulan at liwanag ng kidlat ay nahuhukot siya sa pag-aararo at pagsusuyod ng putikang linang. Sa panahon naman ng anihan ay tila natatayantang pati ang kanyang mga labi sa tindi ng sikat ng araw. Isang pagpapakasakit ang buhay ng isang magsasaka, isang walang katapusang pagpapakasakit.

“Ano ba, Karyas, Kumusta an gating palay?” Kung hindi ko naalagaa’y baka inaksip.” “Ano ba, Karyas, kailan ang paggaas?” “Kung hindi gagapasin ng kabisilya ay papayukin naming mag-asawa!” “Ano ba, Karyas, kailan ang giik?” “Mamayang alas dose ng gabi, pag nagdaan ang traktorang galing sa ibayo.”

May panahong uhaw ang lupa. May panahong tigang na tigang. May panahong maraming bitak dahil sa pagsasalat sa bukid. May panahong mabulas ang palay, walang sakit, at nangangako ng mabuting ani.Naranasang lahat iyan ni Mang Karyas.Nangakakintal ang mga karanasang iyon sa lapad ng kanyang tila mga luyang mga paa, sa putik ng kanyang hinahalas na binti, at sa pangangapal ng dalawa niyang palad.

Sa pagsisikap na mapaunlad ang ani sa ginagawang pagpapaaral sa anak ay lalong humigpit ang kaugnayan ni Mang Karyas sa sinasakang lupa. Naging bahagi sa buhay ni Mang Karyas ang bukid at sa dakong huli’y tuluyan naman siyang inangkin nito. Nang minsang dinaramuhan ni Mang Karyas ang mga puno ng palay ay inabot siya ng malakas na ulan. Doon nga nagsimula ang kanyang sakit.

Nang lumalangitngit ang sahig na kawayan ay napalingon si Mang Karyas. Nakita niyang nagpapasok na ang asawa ng pagkain. Dagli niyang itinukod ang kanang kamay upang maalalayan nito ang kanyang paghiga.Subalit huli na. Nahuli siya ni Aling Asyang sa kanyang pagkakapanungaw.

“Sinabi ko naman sa iyong huwag ka munang mag-uupo, e,” may paninising lumangkap sa tinig ni Aling Asyang.”Ikaw nga ang dumadaing na masakit ang iyong likod.”

“Tinitingnan ko lamang, Asyang, ang ating bukid,: dahilan ni Mang Karyas at tiningnan ang asawang nakakunot-noo.

“Siya, siya kumain ka na, Karyas. . .,” wika ni Aling Asyang at inilapag ang mangkok sa papag. Tinanganan ang kutsara at sinimulang subuan si Mang Karyas.

2

“Sipag nitong anak ni Ba Kayong, oo!” pagbibiro ni Mang Karyas sa asawang may salit-salit na ring puti ang buhok.

“Sulong. Kumain ka’t darating ang anak mo!” Marahan pang dinunggol ni Aling Asyang ang baywang ni Mang Karyas.

Nalarawan ang kasiyahan sa mukha ni Mang Karyas. Kay bait ng kanyang asawa! Hindi pa rin nagbabawa ang kanyang si Asyang. Ito pa rin ang dating masuyo, masipag, at mapagmahal na anak ni Ba Kayong.

“Ano ang pakiramdam mo?” mayamaya’y nausisa ni Aling Asyang.

“Parang namimigat ang aking katawan, Asyang.”

“Kasi’y bangon ka nang bangon. Hala, ubusin mo ito, o . . .”

Walang imik na kumain si Mang Karyas. Wala siyang gana. Pinipilit lamang niya ang pagkain ng nilugaw at ng malambot na tapang inihaw.

“Inggit na inggit sa iyo si Kiko, oy,” ani Aling Asyang kay Mang Karyas,

“mabuti ka pa raw at nakapagpatapos.”

“Paggaling na paggaling ko’y lilibutin ko ang buong nayon at ipagsisigawan kong tapos na ang ating anak, Asyang!” nagmamalaking nawika ni Mang Karyas.” “Paggaling ko ay lilibot kami ni Kiyel at tingnan mo kung hindi nila ako hangaan!”

Nasa gayon silang pag-uusap nang makarinig sila ng halinghing ng aso. Hindi hahalinghing si Sagani kung kilala nito ang pumapasok. Tatahol ito.

“Bakit si Kiyel na ‘yan, Asyang !” nausal ni Mang Karyas at nagsikap na makaupo upang makadungaw sa bintana.

Marahang diniinan siya ni Aling Asyang sa balikat.Pagkaraa’y dumungaw ito at inaninaw kung sino ang sinasalta ni Isagani.

“Tatang, Inang!” Narinig nilang dalawa ang tinig ni Kiyel, Nagmadaling sinalubong ni Aling Asyang ang anak. Noo’y wala na ang sakit na naramdaman ni Mang Karyas sa likod. Dumating na si Kiyel! May dumadaloy na panibagong lakas sa mga ugat ni Mang Karyas.Waring para siyang biglang sumigla.

“Naku, ang dami-dami mong dala, Kiyel!” Narinig niya ang tinig ng asawa.

” Ang Tatang, kumusta?” Noon pa ma’y nais na ni Mang Karyas na iwan ang papag na kinauupuan at salubungin ang anak. Sabik na sabik si Mang Karyas. Sa sinabi ni Kiyel na “Ang Tatang, kumusta?”ay nais niyang isagot na “Narito ako!”

Nang makapanhik na si Kiyel ay tila tumaas pa ito sa paningin ni Mang Karyas.Mabulas ang katawan ni Kiyel.Matitipuno ang mga bisig, masiglang-masigla ang pusong-ama ni Mang Karyas.

“Tatang!” ani Kiyel at hinalikan ang kamay ni Mang Karyas.

Makapal ang palad na nadama ni Mang Karyas nang tangnan ng anak ang kanyang kamay. Subalit hindi niya pinansin iyon. Sa wakas ay narito na si Kiyel!

“Magaling na ako!” Naisaloob ni Mang Karyas. :Lilibot tayo sa buong nayo! Ipakikita k okay Kiko ang aking anak na aking napagtapos! Lilibutin ni Kiyel ang buong nayon. Ipagmamalaki ko si Kiyel!”

“Maghubad ka muna, Anak,” anang ina ni Kiyel at ibinigay sa anak ang tsinelas na malapad ang dahon. “Pagod na pagod ka marahil sa biyahe.” Pagkawika niyo’y nagtungo sa labas si Aling Asyang upang maghanda ng hapunan.

“Paparito bukas ang mga kaibigan mo, Kiyel,” pagbabalita ni Mang Karyas sa anak.”Marahil ay babatiin ka.”

Piit ang ngiting nakita ni Mang Karyas na sumilay sa mga labi ng anak. Nakita niyang napatungo si Kiyel. At naramdaman na lamang niya ang pagpisil ni Kiyel sa kanyang palad.

“Ikinalulungkott ko, Tatang, na sinuway ko kayo,” marahang sabi ni Kiyel sa ama.

Nabaghan si Mang Karyas. Piit nitong sininag sa mukha ng anak kung ano ang ibig ipakahulugan nito sa sinabing iyon.

“Sinikap kong sundin, Tatang, ang iminungkahi ninyong kurso ngunit hindi ko iyon naipagpatuloy.”

Sinalat ni Mang Karyas ang palad ni Kiyel.Parang binubuhawi ang kanyang kalooban.

“Makapal ang iyong palad, Kiyel.”

“Agrikultura ang kinuha ko, Tatang, sa Los Banos.”

3

Nakuyom ni Mang Karyas ang dalawag palad. Gumapang sa kanyang katawan ang init. Nang pagdaupin niya ang mga palad ay naglitawan ang mga ugat sa kanyang mga bisig.

“Sinuway mo ako, Kiyel,” mariin niyang sabi sa anak. Sinuway mo kami ng iyong ina. Sa kahirapan natin ay sinikap ka naming mapag-aral upang mailayo ka sa bukid. Ayaw kong maging magsasaka ka. Ang pagsasaka, Kiyel, ay panghabambuhay na pagpapakasakit. Ang bukid na dati kong sinasaka’y minana ko pa sa iyong mga ninunong nangamatay na mga magsasaka, Kami’y binhing natanim saa bukid. Sa pagnanais ko na lamang na hindi ka rin makaugat sa bukid kaya pinapag-aral ka naming ng iyong ina. . . Binigo mo kami, Kiyel.”

“Kung kayo’y aking sinunod ay hindi ko maituturing na ako’y inyong anak,” pagpapaliwanag ni Kiyel sa ama.

Nanlalim ang mga guhit sa noo ni Mang Karyas sa itinugong iyon ng anak.

“Ako’y anak ng isang magsasaka, Tatang. Anak ninyo.Nananalaytay sa aking mga ugat ang tubig na dumadaloy sa mga linang. Nakahasik sa aking puso ang mga binhing inyong isinasabog kung panahon ng punlaan. . .”

Naramdaman ni Mang Karyas ang pagpisil ng anak sa kanyang kamay. Hindi niya namamalaya’y namalisbis sa kanyang kulubot na mga pisngi ang luha. Napabaling siya sa bintana upang ikubli iyon sa anak. Pinilakan ang liwanag ng sumisikat na buwan sa kanilang bukid.Mayaman ang liwanag subalit ang kanilang lupa’y pagas, tigang, mabitak.Mandi’y naghihintay ng ulan.

“Kayo’y matanda na, Tatang. Tulad ng ginawa ng aking mga nuno’y hinihiling ko sa inyong ipaubaya ninyo sa akin ang paggawa sa bukid. Ipagmamalaki ninyo ako, Tatang!”

At nayakap ni Mang Karyas ang anak. Ang binhi ng kaligayaha’y muling sumibol sa kanyang puso. Mayabong ang kaligayahang iyon.

“Ang pagsasakang aking natutuha’y di tulad ng pagsasakang ating ginagawa sa kasalukuyan dito sa atin, Tatang. Iyo’y pagsasakang pag-uugatan ng pag-unlad. . .”

Naghuhumindig sa bughaw na liwanaga ng buwan ang punong mangga nang tanawin ni Mang Karyas at Kiyel ang kanilang bukid.

by Lamberto Gabriel

Pamana