Hudhud (Epiko ng Ifugao)

Sa lipunang Ifugaw, ang Hudhúd ay isang mahabang salaysay na patula na karaniwang inaawit sa panahon ng tag-ani, o kapag inaayos ang mga payyo o dinadamuhan ang mga palayan Inaawit din ito kapag may lamay sa patay at ang yumao ay isang táong tinitingala dahil sa kaniyang yaman o prestihiyo. Kinakanta ang Hudhud sa mga naturang okasyon bilang paglilibang o pampalipas-oras lamang.

Hindi nakaugnay sa anumang ritwal ang pagkanta ng Hudhud.

Karaniwang umiikot ang kuwento nito sa mga karanasan ng isang pambihirang nilaláng, kadalasan ay si Aliguyon, na kabilang sa uring mariwasa o kadangyan.

Ang diin ay nasa pagsuyo at pakikipag-isang-dibdib niya sa isang babaeng mula rin sa uring kadangyan. Ang tema ng pag-ibig at kariwasaan ang nangingibabaw sa Hudhud.

Tumatagal nang ilang oras o isang araw ang pag-awit ng Hudhud. Kinakanta ito ng isang grupo o koro, ang mun-abbuy, na pinangungunahan ng isang punòng mang-aawit, ang munhaw-e.

Ang mga linyang kinakanta ng munhaw-e ang nagdadala ng salaysay. Mga babae ang umaawit ng Hudhud. Kung minsan, panandaliang sumasali sa pagkanta ang ilang kalalakihan, ngunit ayon sa matatanda, hindi ito sumasang-ayon sa tradisyon.

Sinasalamin ng Hudhud ang mga paniniwala’t kaugalian ng sinaunang lipunan ng mga Ifugaw, at binibigyang-paliwanag ang mga bagay na kanilang pinahahalagahan. Matatagpuan sa Hudhud ang paglalarawan sa mga konsepto na kinababatayan ng mga ugnayang pampamilya, at ng mga ugnayan ng iba’t ibang grupo sa loob at labas ng ili o nayon.

Makikita rito ang paniniwala ng mga Ifugaw tungkol sa mga diyos at espiritu, at kung paano sila dapat makipag-ugnayan sa mga ito. Mangyari pa, matatagpuan din sa Hudhud ang pagtukoy sa iba’t ibang ritwal na mahigpit na bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng mga Ifugaw.

Noong 2001, kinilala ng UNESCO ang Hudhud bilang isa sa mga Masterpiece of the Oral and Intangible Heritage of Humanity.

Buod ng Hudhud: Kwento ni Aliguyon

Isang araw sa nayon ng Hannanga, isang sanggol na lalaki ang isinilang sa mag-asawang Amtalao at Dumulao. Ang pangalan niya ay Aliguyon.

Siya ay matalino at masipag matuto ng iba’t ibang bagay. Katunayan, ang napag-aralan niyang mahahalaga mula sa mga kasaysayan at pangaral ng kanyang ama ay marami.

Natuto siya kung paano makipag-bakbakan nang mahusay, at paano umawit ng mga mahiwagang gayuma (encantos, magic spells). Kaya kahit nuong bata pa, tiningala na siya bilang pinuno, at hanga ang mga tao sa kanya.

Nang mag-binata si Aliguyon, ipinasiya niyang sagupain si Panga-iwan, ang kaaway ng kanyang ama, sa nayon ng Daligdigan. Subalit ang sumagot sa kanyang hamon ay hindi si Pangaiwan.

Ang humarap sa kanya ay ang mabangis na anak nito, si Dinoyagan na bihasa rin sa bakbakan tulad ni Aliguyon.

Hindi naaling, pinukol ni Aliguyon ng sibat si Dinoyagan. Kasing bilis ng kidlat, umiktad si Dinoyagan upang iwasan ang sibat.

Wala pang isang kurap ng mata, binaligtad ni Dinoyagan ang sibat at hinagis pabalik kay Aliguyon.

Umiwas din si Aliguyon at sinalo rin ng isang kamay sa hangin ang humahagibis na sibat. Binaliktad din niya at ipinukol uli kay Dinoyagan.

Pabalik-balik at walang tigil, naghagisan at nagsaluhan ng sibat si Aliguyon at Dinoyagan. Umabot na ng ilang taon ay hindi pa rin tumigil ang bakbakan, at walang nagpakita ng pagod o pagsuko sa dalawa.

Subalit sa bangis at dahas ng kanilang paghahamok, kapwa sila humanga sa giting at husay ng kalaban, at pagdaka’y natuto silang igalang ang isa’t isa.

Biglang bigla, tumigil sina Aliguyon at Dinoyagan at sa wakas ay natigil ang bakbakan. Nag-usap at nagkasundo sila ng payapa.

Buong lugod na sumang-ayon ang lahat ng tao sa nayon ng Hannanga at Daligdigan, at ipinagdiwang nila ang pagkakaibigan ng dalawa.

Sa paglawak ng katahimikan, umunlad ang dalawang nayon. Naging matalik na magkaibigan sina Aliguyon at Dinoyagan. Naging asawa ni Aliguyon si Bugan samantalang napangasawa naman ni Dinoyagan ang kapatid na babae ni Aliguyon, si Aginaya.

Ang dalawang pamilya ay iginalang ng lahat sa Ifugao at namuhay ng masaya.

Hudhud