Isa sa mga halimbawa ng epiko ng Pilipinas ang “Bantugan” na epiko ng Mindanao. Narito ang buod ng naturang epiko.
Buod ng Bantugan
Si Bantugan ay isang magiting na mandirigma sa epikong-bayang Darangan ng mga Maranaw. Siya ay kilala sa kaniyang kahariang Bumbaran dahil sa mga naipanalo niyang mga digma at labanan.
Sagisag ng tapang at kakisigan, si Prinsipe Bantugan ay sikat na sikat sa kanilang kahariang Bumbaran lalo na sa mga dalaga. Sinasabing naligawan na niya ang 50 na pinakamagandang prinsesa sa mundo. Dahil dito, lubhang naiinggit sa kaniya ang mas nakatatandang kapatid na si Haring Madali. Ipinagbawal ni Madali na kausapin ng kahit sino ang kaniyang kapatid.
Sa labis na kalungkutan, umalis ng kanilang kaharian si Bantugën hanggang nagkasakit at namatay malapit sa Kaharian ng Lupaing nása Pagitan ng Dalawang Dagat. Nakita ng hari at ni Prinsesa Datimbang ang katawan ni Bantugan at agad inilapit ang kanilang balita sa pulong ng mga tagapayo. Isang loro ang pumasok at sinabi kung sino at kung saan gáling ang patay na manlalakbay.
Nang mabalitaan ito ni Haring Madali, binawi niya ang kaluluwa ng kapatid sa langit upang maibalik sa katawan ni Bantugën. Kumalat ang balita ng kaniyang pagkabuhay hanggang sa kaaway na kaharian at kay Haring Miskoyaw. Sinugod ng kawal ni Miskoyaw ang Bumbaran at nabihag si Prinsipe Bantugën na may nanghihinà pang katawan. Nang magbalik ang lakas, pinuksa niya ang hukbo ng kaaway na hari at iniligtas ang buong Bumbaran. Nagkaroon silá ng malaking pagdiriwang at nawala na ang inggit sa puso ni Haring Madali. Matagal at masayang namuhay sa kaharian ng Bumbaran si Prinsipe Bantugan kasáma ng mga pinakasalan niyang prinsesa.