Minsan, nagnakaw si Uwak ng daeng na isda na nakabitin at pinatutuyo sa ilalim ng araw. Inilipad niya ito at siya ay dumapo sa sanga ng punong kamatsile. Dito siya umupo at kumain. Nakita siya ni Lamiran, isang musang na naninirahan sa paanan ng punongkahoy. Tumingala si Lamiran at nagsabi,
“Napakaganda naman ng makintab at itim mong balahibo, Uwak.” Nagmukhang kagalang-galang ang Uwak nang marinig niya ang papuri. Siyempre, lalo siyang natuwa. Ipinagaspas niya ang kaniyang pakpak. “Katangi-tangi ang ganda mo Uwak lalo na kapag naglalakad ka. Napakahinhin mo kasing kumilos,” dugtong ni Lamiran.
Dahil hindi agad nahalata ni Uwak ang panloloko sa kaniya, nagpalipat-lipat siya sa mga sanga na para bang isang hari. “Narinig ko kahapon na malamig at matamis daw ang boses mo at ang lahat ng nakaririnig ay nabibighani. Puwede ko bang marinig ang ilan sa iyong mga nota, makisig na Uwak!” sabi ng tusong Lamiran.
Pakiramdam lalo ni Uwak na kapuri-puri at kagalang-galang siya kaya ibinuka niya ang kaniyang bibig at umawit, “Uwak, uwak, uwak, uwak!”
Habang kumakanta siya, nahulog sa lupa ang isda na nasa tuka niya. Kinuha naman ito ni Lamiran at kinain.