Isang araw, habang naghahanap ng pagkain ang matalinong unggoy sa tabi ng ilog, nakita niya ang puno ng makopa na hitik na hitik sa hinog na bunga.
Ang puno ay nasa kabilang pampang lang ng ilog kung saan nakatira ang batang buwaya. Matapos niyang makain ang lahat ng prutas na gusto niya, bumaba na sa puno ang unggoy at napagpasiyahang pumunta sa kabila ng malawak na ilog, ngunit hindi niya alam kung paano.
Sa wakas, nakita niya ang buwaya na kagigising lamang mula sa kaniyang siyesta.
Magiliw na nagwika ang unggoy, “Mahal kong buwaya, puwede bang humingi ng pabor?”
Nabigla ang buwaya sa ganitong kabait na pagbati ng unggoy.
Pero mapagkumababa itong sumagot, “Oo ba! Kung anuman ang maaaring maitulong ko sa iyo, malugod ko itong gagawin.”
Sinabi ng unggoy sa buwaya na gusto niyang pumunta sa kabilang dako ng ilog.
Sabi ng buwaya, “Buong puso kitang ihahatid doon. Umupo ka lang sa likod ko at aalis tayo kaagad.”
Nang nakapirme na sa pagkakaupo ang unggoy sa likod ng buwaya, nagsimula na silang maglakbay. Hindi nagtagal, narating nila ang kalagitnaan ng ilog, at nagsimulang humalakhak ang buwaya.
“Ngayon, unggoy na uto-uto,” sabi niya, “kakainin ko ang iyong atay at mga bato dahil gutom na gutom na ako.”
Kinabahan ang unggoy pero hindi niya ipinahalata. Sa halip, sinabi niya, “Pinaghandaan ko na yan! Naisip ko nang baka nagugutom ka kaya inihanda ko na ang aking atay at mga bato para sa hapunan mo.
Sa kasamaang-palad, naiwan kong nakasabit ang mga ito sa puno ng makopa dahil sa pagmamadali natin. Masaya ako na nabanggit mo iyan.
Bumalik tayo at kukunin ko ang pagkain para sa iyo.”
Sa pag-aakala ng uto-utong buwaya na nagsasabi ng totoo ang unggoy, bumalik ito sa tabing-ilog na pinanggalingan nila. Nang malapit na sila, mabilis na lumundag ang unggoy sa tuyong lupa at kumaripas ng takbo paakyat sa puno.
Nang makita ng buwaya kung paano siya nalinlang, sabi niya, “Isa akong uto-uto”.