Isang araw ay may dalawang lalaki na pumasok sa templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay publikano o maniningil ng buwis.
Tumayo ang Pariseo at pabulong na nanalangin ng ganito, “O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo pagkat hindi ako katulad ng iba – mga magnanakaw, mga mandaraya, mga mangangalunya – o kaya’y katulad ng publikanong ito. Makalawa akong nag-aayuno sa loob ng isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu lahat kong kinikita.”
Samantala, ang publikano ay nakatayo sa malayo, ni hindi makatingin sa langit at dinadagukan ang kanyang dibdib. Sinabi niya, “‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!”
Ang publikano ay umuwing kinalulugdan ng Diyos samantalang ang Pariseo ay hindi. Dahil ang sinumang nagpapakataas ay ibinababa, at siyang nagpapakababa ay itinataas ng Diyos.