Noong unang panahon, sa isang malamig na bahagi ng mundo, may isang grupo ng mga taong naninirahan. Sinasabing ang mga taong ito ang isa sa mga sinaunang nilalang. Marami pa silang bagay na hindi nalalaman o natutuklasan. Napakabata pa ng sibilisasyon at payak pa ang pamumuhay.
Isang araw, isa sa mga tao sa grupong ito ang naatasang maglakbay upang alamin kung may iba pang nilalang o uri ng taong tulad nila na naninirahan sa labas ng kanilang lugar.
Naglakbay ang taong ito ng ilang araw sa masusukal na kagubatan at malalawak na karagatan at lupain.
Hanggang sa isang gabi, may nasilayan siyang liwanag sa ‘di kalayuan. Pinuntahan niya ito.
Ang liwanag ay nagmumula sa apoy. Ngunit dahil inosente, hindi alam ng taong iyon ang tungkol sa apoy. Siya ay natakot.
Huwag kang matakot, ang sabi ng tinig sa kanyang likuran.
Pagtalikod niya ay laking gulat niya nang makitang may nakatayo na pala sa kanyang likuran. Isang lalaking napakalinis at napakaganda. May mahabang buhok at balbas at tila kasama itong nagliliwanag na apoy.
Ano itong aking nakikita? ang tanong ng tao.
Ang tawag diyan ay apoy. Lumapit ka at nang maranasan mo ang dulot nito.
Bahagya ngang lumapit ang tao sa apoy, at siya ay natuwa. May init na nagmumula roon. Noon lamang niya naramdaman ang gayon.
Ang apoy na iyan ay nagdadala ng liwanag. Kapag dinala mo iyan sa iyong mga kasama, tiyak na makikita nila ang maraming bagay.
Papaano ko dadalhin sa kanila ang liwanag na ito? ang tanong ng tao. Maaari ko bang hawakan ang apoy?
Hindi mo maaaring hawakan, baka ikaw ay masunog. Pero maaari kong ituro sa iyo kung papaano mo ito madadala sa kanila.
Sige. Ituro mo sa akin.
At ganoon nga ang nangyari. Natutunan ng tao na sa pamamagitan ng pagkiskis sa dalawang tuyong sanga ng kahoy, ang apoy ay nalilikha. At kapag pinagkuskos ang dalawang bato, ito rin ay nalilikha.
Masayang-masaya ang tao sa bago niyang tuklas. Kaagad siyang nagpaalam sa nagturo sa kanya niyon, at siya nga ay naglakbay pabalik sa kanilang lugar upang ihatid sa kanyang mga kasama ang magandang natuklasan.
Tinipon niya ang lahat ng tao sa kanilang lugar, at ipinakita niya kung papaanong nalilikha ang apoy.
Namangha ang lahat. ang iba’y natakot.
Huwag kayong matakot, ang sabi niya. Maraming magagawa ang apoy na ito sa ating lahat. Sige, lumapit kayo…
Lumapit ang ilansa apoy. At sila’y nasiyahan nang makadama ng init mula rito.
Hindi lang iyan. Ang apoy ay nagdadala rin ng liwanag. Liwanag na tatanglaw sa atin sa dilim. Liwanag na gagabay sa ating lahat.
At ganoon nga ang nangyari. Lumiwanag ang kanilang bayan nang dahil sa pagkakatuklas nila sa apoy.
Ngunit dahil din sa liwanag na iyon, nahayag ang hindi magagandang bagay na ginagawa ng karamihan sa dilim. Tulad ng pagpapalit-palit ng kasiping, pang-uumit at sari-saring kasamaan.
Lubos na nabahala ang mga tao at sila’y nagkagulo.
Kinamuhian nila ang liwanag. At dahil doon, kanilang hinatulan ng kamatayan ang taong nagdala a kanila niyon.
Hindi na muling lumikha ng apoy magmula noon sa pag-aakalang iyon ang susi sa katahimikan at kapayapaan. Ngunit sa pagkawala ng apoy, lalong tumindi ang lamig. At iyon ang unti-unting kumitil sa buhay ng marami sa kanila.
Upang matapos na ang kamatayan, at bago pa sila maubos ng tuluyan, muli silang nagdesisyong lumikha ng apoy.
At dahil sa init na hatid ng apoy, naiwasan ang kamatayan sa kanilang lugar. Namatay din ang mga mikrobyong kumakalat na naghahatid sa kanila ng sakit. At dahil iniinit na ang pagkain, mas naging masarap at malinis iyon.
Gumanda ang kanilang buhay nang dahil sa apoy. At nang dahil sa liwanag na dala nito, natakot nang gumawa ng kasamaan ang ilan sa kanila. Dahil tiyak na ito’y mahahayag sa liwanag.