Ang Pulubi at ang Mahabaging Diwata

Matagal nang pinagmamasdan ng Diwatang mahabagin ang isang pulubi sa lansangan ng bayan. Awang-awa siya rito.

Matanda na ang pulubing babae. Walang kasama at batid niyang nag-iisa ito sa buhay dahil walang pamilya.

Minsan, nais sana niyang alamin ang dahilan kung bakit nagkaganoon ang naging kapalaran ng kawawang pulubi. Ngunit wala siyang kakayahang bumalik sa kahapon. At ang mga pinagdaanan ng matandang pulubi ay isang misteryo.

Sa sobrang habag ng diwata sa pulubing iyon ay kinausap niya si Bathala.

Ano ang puwede kong magawa upang matulungan siya?

Wala ka nang magagawa para matulungan ang pulubing iyon, ang sabi ni Bathala.

Pero baka may paraan pa…

Isa lang ang alam kong paraan, ang tugon ni Bathala. Ang mabigyan siya ng panibagong simula…

Tama! Iyon nga ang maaari nating gawin para matulungan siya!

Pero hindi ko ginagarantiyahan na may magbabago sa takbo ng kanyang buhay.

Ang mahalaga’y mabigyan siyang muli ng pagkakataon! ang masayang sabi ng Diwata, at siya nga ay dali-daling nagtungo sa pulubi.

At sa panaginip nito, siya nagpakita.

Bibigyan ka namin ng isa pang pagkakataon sa buhay. Muli kang magiging isang sanggol, nang sa ganoon ay muli kang makapagsimula ng bagong buhay.

At ganoon nga ang nangyari. Ang pulubi ay naging isang sanggol muli.

Inilagay ng Diwata ang sanggol sa tapat ng pintuan ng isang mayamang mag-asawang pamilya na hindi magkaanak. At nang buksan ng mag-asawa ang pintuan ay laking tuwa ng mga ito nang makita ang sanggol.

Napanatag na ang kalooban ng Diwata. Tinitiyak na niyang maganda ang magiging buhay ng dating pulubi.

At lumipas nga ang mahabang panahon.

Patuloy pa rin ang kalungkutan ng Diwata, sapagkat sa dinami-rami ng kanyang natulungan, hindi pa rin maubos-ubos ang pulubi sa langsangan.

Bakit ba ganun? ang tanong niya kay Bathala.

Bakit hindi ang pulubing tinulungan mo ang tanungin mo? Marahil, mas alam niya ang kasagutan sa tanong mo.

Pero saan ko siya matatagpuan? ang tanong ng Diwata.

Kung saan mo siya unang nakita at nakilala.

At ganoon na lamang ang pagkagitla ng Diwata. Dahil ang pulubing binigyan niya ng panibagong simula, ay lumaki rin at tumandang isang pulubi.

Saan ako nagkulang? ang tanong ng Diwata.

Hindi ikaw ang nagkulang, ang tugon ni Bathala. Sila ang nagkulang sa kanilang sarili kung kaya’t sila’y nagkaganyan.

Ang Pulubi at ang Mahabaging Diwata