Minsan may magkapatid na naninirahan sa isang bayan. Ang isa ay mayaman. At ang isa naman ay mahirap na walang ibang pinagkakabuhayan kundi ang pagtatanim ng kalabasa.
Isang araw, namunga ng isang kakaibang kalabasa ang kanyang pananim. Isang kalabasang may pambihirang laki!
Hindi alam ng lalaki ang kanyang gagawin sa dambuhalang kalabasa.
Naisin man niyang kainin ito, ngunit napakalaki at tiyak na maraming masasayang. Kung mag-iimbita siya ng mga bisita para kumain sa kalabasa ay manghihinawa lang ang mga iyon. Kung dadalhin naman niya sa palengke upang ibenta ay hindi rin maaari.
Walang sasakyang maaaring magdala sa ganito kalaking kalabasa. At hindi rin magiging sapat ang kita para makabawi sa gagamiting transportasyon patungo sa palengke.
Naisip ng taong ito na iregalo na lamang sa hari ang dambuhalang kalabasa.
At ganoon nga ang kanyang ginawa. Laking tuwa ng hari. Dahil noon lamang ito nakakita ng ganoong kalaking kalabasa.
Isa itong kamangha-manghang bagay. Tiyak na magiging pangunahing pang-akit ito sa ating kaharian!
At dahil sa kasiyahan ng hari, binigyan nito ng ginto at mamahaling bato ang taong nagbigay ng regalo. Tuwang-tuwa siya at kaagad nagtungo sa kanyang kapatid upang isalaysay ang nangyari.
Hindi makapaniwala ang kanyang mayaman na kapatid.
Gayunpaman, naisip ng mayamang kapatid na kung ang hari ay natuwa sa walang kuwentang kalabasa, tiyak na mas ikagagalak nito kung reregaluhan niya ng mas mahalagang bagay tulad ng mamahaling kasuotan at magagandang alahas.
Kaya’t ganoon nga ang ginawa ng mayamang kapatid. Niregaluhan niya ang hari ng mga magagandang kasuotan at magagandang alahas.
Lubos namang natuwa ang hari. Ang sabi niya, Ang mga ganitong pambihirang regalo ay dapat lang suklian ng pambihirang regalo.