“Bakit po,” ang tanong ni Antonio sa kaniyang lolo, isang araw, “nakahiwalay sa apat pang ibang daliri ang hinlalaki natin?”
“Ngayong panahon lang natin ’yan,” sagot ni Tandang Julian. “Noong unang panahon, magkakatabi sa iisang lugar ang mga daliri ng mga ninuno natin. Isang araw, sobrang nagutom ang hinliliit at humingi siya ng pagkain sa katabing daliri.”
“O kapatid!” sagot ni Palasingsingan, “gutom din ako. Saan nga ba tayo kukuha ng makakain?”
“Maunawain ang langit,” sabi ni Hinlalato, upang pagaanin ang loob ng dalawang kapatid. “Bibigyan din tayo ng langit ng marami.”
“Subalit kapatid na Hinlalato,” pagtutol ni Hintuturo, “paano kung hindi magbigay ng pagkain sa atin ang langit?”
“Kung gano’n,” sabad ni Hinlalaki, “magnanakaw tayo.”
“Magnanakaw?” ulit ni Hintuturo. Hindi talaga siya nasiyahan sa payo niyang ito. “Sana naman alam ni Ginoong Hinlalaki na hindi niya dapat gawin ’yan!”
“Masama ’yan, Hinlalaki,” sabay-sabay na sabi ng tatlo. “Ang idea mo ay labag sa moralidad, labag sa Diyos, labag sa sarili mo, at laban sa lahat. Hindi papayagan ng ating konsensiya na tayo ay magnakaw!”
“O, hindi, hindi!” Galit na galit na sagot ni Hinlalaki. “Maling-mali kayo, mga kaibigan! ’Diba ninyo man lang naisip kung gaano kayo kauto-uto para kalabanin ang balak ko? Masama bang iligtas ang buhay n’yo at ang sa akin?”
“Ay naku, kung yan ang balak mo,” sabi ng apat na daliri, “gawin mo kung ano man ang gusto mong gawin. Para sa amin, mas gugustuhin pa naming magutom at mamatay kaysa magnakaw.”
Nang oras na iyon, itinaboy ng apat na magkakapatid si Hinlalaki palabas ng kanilang komunidad dahil sa labis na kahihiyan. Wala na sila naging ugnayan sa kaniya mula noon.
“Kaya nga,” pagwawakas ni Tandang Julian, “makikita natin na nakahiwalay si Hinlalaki sa apat pa nating daliri. Magnanakaw siya.
Ang apat naman na mababait ay hindi na ginusto pang makasama siya sa buhay. Si Hinliliit naman, dahil kulang sa pagkain, ay makikita natin ngayon na payat at nanlalambot.”