Ilang araw makalipas ang pagbaha sa mundo, inutusan ng Diyos ang uwak na pumunta sa mundo upang malaman kung gaano kalalim ang tubig sa lupa.
Nang nasa mundo na siya, namangha siya sa nakitang dami ng hayop na namatay sa lahat ng dako. Naisip niyang mukhang masarap ang mga ito, kaya tumungtong siya sa isa at sinimulang kainin ito.
Natuwa siya sa labis-labis na dami ng pagkain sa paligid niya.
Hanggang sa nalimot niya pati ang utos sa kaniya ng Panginoon. Dahil rin dito, nanatili siya sa mundo.
Sa ikatlong araw, hindi pa rin bumabalik ang uwak. Inutusan ng Diyos ang kalapati na pumunta sa mundo upang malaman ang lalim ng tubig.
Sinabihan rin niya itong magmasid pa sa mga bagay na nangyari sa mundo.
Dahil ang kalapati ay isang matapat na nilikha, hindi niya nakalimutan ang bilin sa kaniya ng Diyos.
Nang marating niya ang mundo hindi siya tumungtong sa kahit anong patay na hayop at sa halip ay tumungtong agad siya sa tubig na noo’y pulang-pula ang kulay dahil sa dugo ng napakaraming namatay na tao.
Nang tumayo ang kalapati sa duguang tubig, nakita niya na isang pulgada na lang ang taas.
Lumipad siya kaagad pabalik sa langit, at isinalaysay niya sa Diyos kung ano ang nakita niya sa mundo. Ang mapulang kulay sa kaniyang paa ang naging patunay sa lalim ng tubig.
Hindi nagtagal, bumalik na rin ang uwak sa langit.
Humarap ito sa Diyos, na nagsabi sa kaniya, “Bakit ka nagtagal? Bakit di ka bumalik nang mas maaga mula sa mundo?” Dahil wala siyang magandang dahilan na maibibigay, di na siya umimik. Yumuko na lang siya.
Pinarusahan ng Panginoon ang uwak sa pamamagitan ng paglalagay ng kadena sa kaniyang mga paa. Kaya mula noon, hindi nakalalakad ang uwak.
Ang nagagawa lang niya ay lumukso-lukso mula sa isang lugar. Ang kalapati na napakatapat sa Panginoon, ang siya nang paboritong alagang ibon sa buong mundo. Ang kulay pula sa kaniyang mga paa ay patunay sa kaniyang pagtupad sa utos ng Diyos.