Noong unang panahon, may isang batang buwayang namumuhay sa pampang ng Ilog Pasig. Siya ay mabangis at ubod ng sakim. Sa kadahilanang ito, walang ibang hayop ang magkalakas ng loob na siya’y lapitan.
Isang araw habang siya ay namamahinga sa ibabaw ng isang bato, napag-isipan niyang mag-asawa na. Pasigaw niyang sinabi,
“Ibibigay kong lahat ng pag-aari ko upang magkaroon ng asawa.”
Katatapos pa lamang niyang sambitin ito nang may makiring pabo ang dumaan sa kanyang harapan. Inulit banggitin ng pilyong buwaya ang kanyang kahilingan. Nakinig ng mabuti ang makiring pabo, at sinumulang suriin ang anyo ng buwaya.
Sabi niya sa kanyang sarili,
“Pakakasalan ko ang buwayang ito. Mayaman siya. Naku! Kung mapapasaakin lamang ang lahat ng mga perlas at diyamante, ako ang magiging pinakamasayang asawa sa buong mundo.”
Bumaba ang pabo sa bato na kung saan naroroon ang buwaya. Sinabing muli ng pilyong buwaya ang kanyang pag-aalok ng kasal nang buong pagpipitagan, gaya ng gawi ng isang mapagkunwari.
Inakala ng pabo na ang malalaking mata ng buwaya ay dalawang magagandang diyamante at ang magaspang na balat nito ay gawa sa perlas, kaya tinanggap niya ang alok nitong pagpapakasal.
Inanyayahan ng buwaya ang pabo na umupo sa kanyang bibig, upang sa gayon ay hindi daw madumihan ng putik ang maganda nitong plumahe. Sinunod naman ng mangmang na ibon ang kahilingan ng buwaya.
Ano sa palagay ninyo ang nangyari? Ginawang masarap na hapunan ng sakim na buwaya ang kanyang bagong asawa.