Ang Alamat ni Malakas at Maganda

Nangyari naman na mag-asawa nuon ang hangin dagat at ang hangin lupa, at may anak sila, si kawayan. Isang araw, lumulutang si kawayan sa tabi ng dagat nang nabangga niya ang paa ng lawin.

Nagulat, nasaktan at nagalit, pinagtutuka ng lawin ang kawayan hanggang nabiyak ito.

Kaginsa-ginsa, lumitaw sa isang piraso ang isang lalaki, si Malakas. Sa kabilang bahagi, lumabas naman ang isang babae, si Maganda. Sila ang 2 Unang Tao sa daigdig.

Ipinatawag naman ng lindol ang lahat ng ibon at isda upang pag-usapan kung ano ang dapat gawin sa 2 tao. Ipinasiya nila na dapat mag-asawa sina Malakas at Maganda.

Nangyari nga ito at marami silang naging mga anak, na pinagmulan ng iba’t ibang tao sa daigdig ngayon.

Pagtagal, nayamot ang mag-asawang Malakas at Maganda sa dami ng kanilang mga tamad at walang-pakinabang na mga anak.

Nais nilang palayasin lahat subalit hindi nila alam kung saan itatapon ang mga ito kaya nagtiyaga na lamang ang mag-asawa.

Dumami pa uli nang dumami ang mga anak sa paglipas ng panahon at nangyari na hindi na nakaranas ng tahimik sina Malakas at Maganda.

Isang araw, hindi na nakatiis si Malakas at, dampot ang isang bakawan, pinagha-hataw ang mga bata. Takbuhan sa takot ang mga anak at nagtago sa iba’t ibang lugar.

Ang iba ang nagtago sa mga silid ng bahay, ang iba ay sumingit sa mga dingding. Ang iba ay nagkubli sa mga kalan sa cocina. Ang ibang anak ay tumakas sa labas, habang ilan ay tuluyang lumayas sa dagat.

Sa ganitong paraan, nagka-iba-iba ang mga tao na kumalat sa daigdig.

Ang mga nagtago sa mga silid ang naging mga pinuno sa mga pulo. Ang mga sumingit sa dingding ang naging mga alipin. Ang mga nagkubli sa mga kalan ay naging mga negro.

Ang mga tumakas sa labas ang naging mga malaya.

Pagkaraan ng maraming taon, ang mga anak ng lumayas sa dagat ay bumalik, at sila ay mga maputing tao, ang mga dayuhan.

alamat ni malakas at maganda