Ayon sa matandang alamat ay may isang mabait na batang Luningning ang pangalan at nakatira sa isang malayo ngunit masaganang bayan. Pinalaki si Luningning ng ama’t ina na maganda ang pagti-ngin sa buhay. Mabuti ang kanyang puso at mabuti rin ang asal.
Sa pagdaan ng panahon ay naging sagana ang kanilang ani. Naging maalwan ang kanilang kabuhayan at anumang maibigan ni Luningning ay naipagkakaloob ng mga magulang.
Hindi iyon sinamantala ng mabait na bata. Sa halip ay sinabi niya sa ama at ina na tulungan ang ibang batang mga kapuspalad.
Dumating ang malaking pag-subok sa buhay ng pamilya ng isang gabi ay pasukin sila ng masasamang loob.
Nanlaban ang kanyang ama kaya nasaksak. Nang makita ng kanyang ina ang ginawa sa asawa ay sinugod nito ang mga magnanakaw ngunit sinaksak din ang babae. Namatay ang mag-asawa nang gabi ring iyon.
Hindi mapatid ang luha ng bata. Ang sabay na mawala ang ama at ina ay napakahirap na tanggapin. Subalit ano pa kaya kung naging saksi siya sa pagpatay sa mga ito?
Ang masayahing si Luningning ay lagi nang makikitang umiiyak. Walang sandali na hindi pumapatak ang kanyang luha. Ang magkatabing puntod ng mga magulang ay laging basa ng mga luha ng bata.
Awang-awa ang mga nakaka-kilala kay Luningning. Anila ay napakamusmos pa nito para maranasan ang gayong trahedya sa buhay.
Marami ang nagtangka na pasayahin siya ngunit sila ay nabigo.
Hanggang isang araw, nagtaka ang mga nakakakilala kay Luning-ning dahil bigla siyang naglaho.
Noong una ay naging usapan ang pagkawala ni Luningning ngunit nang lumaon ay nalimutan narin ito ng mga tao.
Samantala sa bakuran nina Luningning ay may tumubong isang puno. Makaraan ang ilang panahon ay namunga iyon. Ang bunga ng puno ay kulay berde at hugis bilog na parihaba.
Ilang bata ang nanguha ng bunga niyon para tikman. Nagtaka sila nang makita ang laman ng prutas dahil tila maliliit na patak ng luha ang mga ito.
Nang tikman nila ang prutas ay nasiyahan sila dahil matamis.
Tinawag nilang luha ang prutas ngunit kalaunan ay naging kilala ito bilang suha.