Noong unang panahon, noong bata pa ang mundo ay nagkaroon ng malaking hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga mababangis na hayop at ng mga ibon.
Pinagtatalunan nila kung sino ang mas may karapatang manirahan sa malago at mayamang kagubatan. Parehas na ayaw magbigayan ang dalawang pangkat at pinipilit na sila ang mas nararapat kaysa sa isa. Dahil dito nag-away-away ang mga mababangis na hayop at mga ibon.
Naglabanan sila upang makita kung sino ang tatagal at mananaig.
Patuloy ang labanan buong araw. Tumitigil lamang ito sa gabi upang makapagpahinga ang mga hayop upang sa susunod na araw ang may lakas sila upang ipatuloy ang pakikipaglaban.
Ngunit may isang hayop ang hindi niya malaman kung saan siya papanig. Ito ay si Paniki. Palibhasa hindi niya kasi malaman kung mahahanay ba siya na isang mabangis na hayop o di kaya’y ibon.
Ayaw niyang kumampi sa matatalo kung kaya’t ang ginawa niya ay nagmasid-masid muna ito sa di kalayuan at pinanood ang nagaganap na labanan.
Nang sumapit ang hapon at nakita niya na lumalamang ang mga ibon laban sa mga mababangis na hayop ay dali-dali itong lumapit sa kampo ng mga ibon at nakihalubilo.
Nakita ng mga ibon si Paniki at tinanong siya kung bakit siya asa kanilang kampo samantalang isa naman daw siyang mabangis na hayop.
Mabilis na pinabulaan ni Paniki na siya as isang mabangis na hayop; siya raw ay isang ibon. Hindi nga ba’t meron din daw siyang mga pakpak tulad nila.
Nakumbinsi niya ang mga ibon at siya ay isinama sa kanilang pagdiriwang.
Kinabukasan ay ganoon ulit ang ginawa ni Paniki. Nanatili siya sa isang mataas na puno at nagmasid-masid ulit muna ito at inantay kung sino ang mukhang nananalo.
Dahil lumamang naman sa pagkakataong iyon ang mga mababangis na hayop, sa kanila lumapit si Paniki.
Masayang nakihalubilo si Paniki sa mga mababangis na hayop. Ngunit tulad din ng mga ibon, tinanong nila kung bakit siya nasa kanilang kampo samantalang isa siya sa mga kaaway.
Pinabulaanang muli ito ni Paniki. Isa daw siyang mabangis na hayop dahil tulad nila meron din siyang matatalim na mga pangil.
Ang mga ibon ay wala nga namang mga pangil tulad nila kaya isinama din nila ito sa pagdiriwang.
Araw-araw ay ganoon nga ang ginawa ng tusong si Paniki. Natutuwa siya sa husay ng kanyang naisip.
Hayaan na lang daw na mapagod ang mga mababangis na hayop at ibon sa pakikipaglaban basta sa kampo ng panalo siya sasama; hagikgik nito. Nanonood nga muna ito at saka lang bumaba sa nananalong grupo.
Isang araw, napagod na ang mga diwata sa away ng mga mababangis na hayop at mga ibon. Ipinatawag nila ang mga ito at pinagkasundo. Nagtalaga sila ng mga dibisyon kung saan maninirahan ang bawat hayop. Sa wakas ay natapos din ang matagal na labanan.
Nagsisipag-uwian na ang mga mababangis na hayop at ibon sa kanikanilang itinalagang mga lugar nang makita nila si Paniki.
Dahil sa nakita nila at nalaman ang ginawa nitong pagpapalit-palit ng panig sa nananalong kampo, wala sa mga ito ang may gustong kasama siya sa kanilang pangkat.
Pinagtabuyan ng mga mababangis na hayop at ng mga ibon ang kawawang si Paniki.
Simula noon ay hindi na nga nakikihalubilo si Paniki sa kahit anong hayop. Dahil sa hiya, tuwing gabi na lamang ito mag-isang lumilipad upang humanap ng kanyang makakain.