Ang Alamat ng Mais

Tumatakas ang binata at dalaga, magsing-irog na hinahabol ng mga alagad ng batas.

Yakap ng binata ang supot ng mga alahas – mga pulseras, kuwintas, hikaw, singsing na ninakaw niya sa mga libingan.

Nakatakas si Minong sa mga guwardiya sa tulong ng dalaga at kapagkaraka ay silang dalawa na ang tinutugis ng mga ito.

Hindi nagtagal at nahuli sila. Ang babae ay pinakawalan, ang lalaki ay itinali sa puno para ubusin ng langgam.

“Sana’y hindi siya nakita ng matandang babae na nagkakataong may dinadalaw sa libingan,” taghoy ni Celia habang nakalupagi sa tabi ng bangkay ng kanyang mahal, “Disin sana ay malayo na kami, at nagbabagong buhay. Pangako niya.”

Pagkaraan ng ilang araw, napansin ni Celia na may mga halamang tumubo sa palibot ng punong kinamatayan ni Minong.

Kakatuwa ang bunga dahil may busil na nababalutan ng hile-hilerang mga butil na tila mga hiyas – may puti, may dilaw, may mapula-pula, mga alahas na ninakaw ni Minong at ibinaon sa malapit sa punong kinamatayan.

Inalagaan ni Celia ang halaman at pinarami pa niya ang mga ito para saan man siya magtungo ay magpapaalala sa kanya ng mahal niyang si Minong.

At iyon nga ang alamat ng Mais.

Ang Alamat ng Mais