Si Duha at si Simang ay dalawa sa pinakamagandang dilag sa kanilang nayon. Pareho silang matalino at magaling sa iba’t ibang bagay.
Mula pagkabata ay sila na ang matalik na magkaibigan at madalas na magkalaro, hanggang sila ay magdalaga ay hindi pa rin sila mapaghiwalay.
Pangako nila ay walang makakasira sa kanilang pagkakaibigan.
Ngunit hindi perpekto ang mundo at ang kanilang pagkakaibigan ay unti-unti nasisira dahil sa lihim na inggit ni Simang kay Duha.
Pareho silang maganda ngunit bakit lahat ng mga binata sa kanilang bayan ay tila si Duha ang gusto. Pareho silang may galing at talento ngunit bakit si Duha lamang ang napapansin at nabibigyan ng papuri.
Pareho silang mabait ngunit bakit maraming ibang kaibigan si Duha at siya ay isa lang?
Ngunit nilabanan ni Simang ang inggit. Napagtanto niya, hindi niya kailangan ng maraming kaibigan. Isang kaibigan ay sapat na, at si Duha iyon.
Sabi niya, magiging masaya siya sa kaibigan sapagkat wala naman itong ginawang masama sa kanya. Isang tunay na kaibigan ay higit pa sa isang-daang kaibigang hindi naman totoo sa iyo.
Simula noo’y nakuntento na si Simang kahit pa ang mga taga-nayon ay tila ayaw sa kanya. Bumalik ang saya at sigla ng kanilang pagkakaibigan ni Duha.
Nagbago ang lahat ng makilala ni Simang ang binatang si Uhat nang mamasyal silang magkaibigan sa ibang bayan. Mabilis siyang umibig sa binata at tila suportado naman siya ni Duha.
Naging malapit sina Simang at Uhat hanggang isang araw ay nagpahiwatig ito ng pagmamahal sa kanya. Hindi mapaglagyan ang saya ni Simang sapagkat may lalaking nagmamahal sa kanya at may matalik pa siyang kaibigang lagi sa kanyang tabi.
Ano pa nga ba nag kanyang mahihiling?
Isang araw ay nagpasya silang tatlo na mamasyal sa may tabi ng ilog. Pagdating ni Simang sa lugar ng kanilang tagpuan ay nandoon na si Duha at Uhat na masayang nag-uusap.
Kumaway sa kanya ang kaibigan ng makita siya nito, ganundin ang kanyang nobyo. Ngunit bakit tila may takot siyang nararamdaman? Paano kung mahulog sina Duha at Uhat sa isa’t isa? Paano na siya? Sino ang matitira sa kanya? Kaya nagpasya siyang ipaglayo ang kaibigan at nobyo.
Pinagbawalan niyang makipagkita si Duha kay Uhat, ganundin si Uhat kay Duha. Mabilis din siyang magalit kapag nababanggit si Duha sa pag-uusap nilang magkasintahan.
Kahit pa pareho niyang mahal ang kaibigan at nobyo, hindi sila puwedeng magkagustuhan, sa loob niya.
Lumipas ang maraming araw ay hindi na binibisita ni Uhat si Simang.
Labis itong ikinalungkot ng dalaga. Marahil dahil ito kanyang ‘di magandang asal nitong mga nakaraang pagkikita nila, sa isip ni Simang.
Pumunta si Simang sa bahay ni Duha upang maglabas ng sama ng loob at humingi ng payo. Ngunit laking gulat niya nang makita niya ang nobyo at kaibigan na magkayakap sa labas ng bahay ni Duha.
Pilit ni Simang na huwag sumigaw subalit nag-aalab ang kanyang damdamin. Kaya pala hindi na siya binibisita ng nobyo dahil nakatagpo na ito ng ibang minamahal at ang matalik na kaibigan niya pa? Paano nila ito nagawa sa kanya? Lahat na lang ba ay kukunin ni Duha sa kanya? Mga traydor!
Tumakbo si Simang palayo sa kinatatayuan ng dalawa habang umiiyak. Kinamumuhian niya ang kaibigan at nobyo.
Sinusumpa niya magbabayad ang dalawa, sinumpa niyang magiging pangit sila at kakainin ng lupa. Ilang sandali pa ay biglang kumidlat at sumunod ay kumulog.
Nanginig ang lupa at narinig niya ang sigaw nina Duha at Uhat. Bumagsak ang malakas na ulan kasabay ng malakas na ihip ng hangin.
Nakita niyang unti-unting lumubo sina Duha at Uhat sabay ng pangingitim ng balat. Sumisigaw ang mga ito dahil sa kirot. Naguluhan si Simang sa mga pangyayari.
Dumating ang mga taga-nayon sa lugar. Galit ang mga ito at sumisigaw sa kanya. Mangkukulam! Salot! Naririnig niyang sabi ng mga ito.
Dapat hindi na natin tinanggap ang mag-inang yan dito sa ating nayon, lahi sila ng magkukulam, sabi ng isa.
Hindi makaimik si Simang dahil sa bilis ng mga pangyayari. Nakikita na rin niyang kinakain ng lupa sina Duha at Uhat habang tumulong namang hilahin sila pataas ng ibang taga-nayon.
Ikaw ang mahal ko, sabi ni Uhat kay Simang habang iniinda ang sakit ng pagkakaipit sa lupa at paglobo ng katawan.
Masaya kaming nagkayakap dahil ibinalita ni Uhat ang pasya niyang pakasalan ka, sabi ni Duha habang umiiyak.
Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Simang nang mapagtanto ang pagkakamali. Ngunit huli na ang lahat sapagkat tuluyan ng kinain ng lupa si Duha at Uhat.
Sinikap ni Simang na ibalik sina Duha at Uhat gamit ang natitirang lakas at nagdasal siya ng taimtim. Isang liwanag ang biglang sumakop sa buong nayon, pagkatapos niyon ay biglang nawala si Simang na parang bula.
Pagkalipas ng ilang buwan ay may kakaibang tanim ang tumubo sa lugar kung saan kinain ng lupa sina Duha at Uhat.
Lumago ito, naging puno at ilang taon pa ay namunga ng maliit at maiitim na bunga. Tinawag nila itong Duhat.
Sa huli ay hindi man naibalik ni Simang sina Duha at Uhat mula sa lupa sa totoo nilang anyo ay naibalik naman niya ito bilang puno na ang bunga ay nagbibigay ngayon ng sustansya at talaga namang kinagigiliwan ng marami.