Noong unang panahon, may isang higanteng binata, na nangangalang Tanding, ang namumuhay sa isang bayan sa Bicol.
Dahil sa kanyang pagiging higante, malimit ay walang nakikipagkaibigan sa kanya dahil na rin sa takot at pangambang baka saktan sila ng higante.
Dahil sa ayaw ring makapaminsala ng binata sa mga tao, naisipan nitong manirahan na lamang sa gilid ng isang dalampasigan, malayo sa kabihasnan.
Isang buwan matapos makaalis ni Tanding sa kanilang lugar, isang kagimbal-gimbal na pangyayari ang naganap.
Gabi-gabi’y nagkakaroon ng patayan sa kanilang lugar at halos ang lahat na nabibiktima nito’y mga kalalakihan.
Tadtad ng kagat ang katawan ang mga biktima at halos hindi na ito makilala dahil sa sobrang dugong nagkalat.
Sa isip ng mga tao isa lamang ang maaring gumawa ng ganito sa kanila, Si Tanding. Dahil sa sobrang pagkagalit ng mga tao sa kanya, pinuntahan nila ang bahay ni Tanding at pinagbabato.
Hindi na nagawang lumabas pa ni Tanding dahil na rin sa bantang papatayin siya. Nang gumabi na’y umalis na rin ang mga residente upang umuwi at kumain at sa pagkakataong iyon ay nakalabas na si Tanding.
Sa paglipas ng gabi ay sumalakay ang daaang daang mga mababangis na aso sa bayan. Nakita ni Tanding na nanganganib ang mga tao sa kanilang lugar kung kaya’t naisipan nitong kunin ang atensiyon ng mga aso.
Pinakagat niya ang mga dang-daang aso sa kanyang damit at dinala ito sa malawak na lugar ng dagat. Maraming mga aso ang kumapit sa kaniyang ulo at pilit na nagpupumiglas.
Sa dami ng mga aso, hindi na nakaalis ang binatang higante sa dagat.
Sabay ng pagkamatay ng mga aso, namatay rin ang isang bayaning minsan na nilang kinatakutan.
Sa paglipas ng mga araw, may napansin silang isang napakalaking isdang lumalangoy sa malapit sa dalampasigan , tila ba’y may hinihintay at binabantayan.
Tinawag nila itong Tanding sa pag-aakalang ang kaluluwa ni Tanding ay napunta rito. Sa kalaunan ito’y natawag na BUTANDING.