Alamat ng Sampaguita (Version 1)
Sa isang malayong bayan sa Norte ay may isang napakagandang dalaga na Liwayway ang pangalan.
Ang kagandahan ni Liwayway ay nakarating hanggang sa malalayong bayan. Hindi naging kataka-taka kung bakit napakarami ng kanyang naging mga manliligaw.
Mula sa hilaga ay isang grupo ng mga mangangaso ang nagawi sa lugar nina Liwayway. Sa kasamaang palad, si Tanggol, isa sa mga ito ay inatake ng baboy-ramo.
Ang binata ay dinala sa ama ni Liwayway para mabigyan ng pangunang lunas. Iyon ang naging daan ng paglakalapit nila.
Umibig sina Liwayway at Tanggol sa isa’t-isa sa maikling panahon ng pagkikilala.
Nang gumaling si Tanggol ito ay nagpaalam kay Liwayway at sa mga magulang niya. Anang binata ay susunduin ang ama’t ina upang pormal na hingin ang kamay ng dalaga.
Puno ng pangarap si Liwayway nang ihatid ng tanaw si Tanggol.
Subalit dagling naglaho ang pag-asa ni Liwayway na babalik si Tanggol tulad ng pangako. Ilang pagsikat na ng buwan mula nang umalis ito ngunit ni balita ay wala siyang natanggap.
Isang dating manliligaw ang nakaisip siraan si Tanggol. Ikinalat nito ang balita na hindi na babalik si Tanggol dahil may asawa na ito.
Tinalo ng lungkot, pangungulila, sama ng loob at panibugho ang puso ni Liwayway. Nagkasakit siya. Palibhasa ay sarili lang ang makagagamot sa karamdaman kung kaya ilang linggo lang ay naglubha ang dalaga at namatay.
Bago namatay ay wala siyang nausal kundi ang mga salitang, “Isinusumpa kita! Sumpa kita…”
Ang mga salitang “Isinusumpa kita! Sumpa kita…” ang tanging naiwan ni Lwayway kay Tanggol.
Ilang araw makaraang mailibing si Liwayway ay dumating si Tanggol kasama ang mga magulang. Anito ay hindi agad nakabalik dahil nagkasakit ang ina.
Hindi matanggap ng binata na wala na ang babaing pinakamamahal.
Sa sobrang paghihinagpis, araw-araw ay halos madilig ng luha ni Tanggol ang puntod ni Liwayway. Hindi na rin siya bumalik sa sariling bayan upang mabantayan ang puntod ng kasintahan.
Isang araw ay may napansin si Tanggol sa ibabaw ng puntod ni Liwayway. May tumubong halaman doon, halaman na patuloy na dinilig ng kanyang mga luha.
Nang mamulaklak ang halaman ay may samyo iyon na ubod ng bango. Tinawag iyong ‘sumpa kita’, ang mga huling salitang binigkas ni Liwayway bago namatay.
Ang ‘sumpa kita’ ay ang pinagmulan ng salitang ‘sampaguita’.
Buod ng Alamat ng Sampaguita (Version 1)
Napaka-gandang dalaga nitong si Liwayway. Hindi na kataka-taka kung marami siyang naging manliligaw.
Nang minsang may isang binata na ang pangalan ay Tanggol na inatake ng baboy-ramo, dinala ito sa ama ng dalagang si Liwayway upang mabigyan ng pangunang lunas.
Sa maikling panahon ay nagkaibigan sina Liwayway at Tanggol.
Nang magaling na ang binata ay nagpaalam itong uuwi muna sa kanila upang sunduin ang kanyang mga magulang at pormal na hingiin ang kamay ng dalaga.
Lumapas ang maraming araw ngunit hindi pa rin bumabalik si Tanggol. Isang dating manliligaw ni Liwayway ang siniraan si Tanggol at sinabing hindi na raw ito babalik dahil may asawa na ito.
Napuno ng sama ng loob, lungkot at pangungulila si Liwayway na siyang naging dahilan ng pagkakasakit nito. Ilang linggo lamang ang lumipas ay namatay ang dalaga.
Bago namatay si Liwayway ay naiusal nito ang mga katagang, “Isinusumpa kita! Sumpa kita…”
Makaraan ang ilang araw makalipas ilibing si Liwayway ay dumating si Tanggol kasama ang kanyang mga magulang. Hindi pala agad ito nakabalik dahil nagkasakit ang kanyang ina.
Labis ang paghihinagpis ng binata sa pagkawala ng kanyang pinakamamahal.
Hindi na muling bumalik sa kanyang bayan si Tanggol. Sa halip ay araw-araw itong pumupunta sa puntod ni Liwayway upang bisitahin. Nadilig ng kanyang luha ang puntod ng dalaga.
Isang araw ay napansin nitong may tumutubong maliit na halaman sa puntod ni Liwayway. Namulaklak ang halaman at ito ay ubod ng bango.
Tinawag ang halamang ‘sumpa kita’, ang mga huling salitang binigkas ni Liwayway bago namatay. Sa kalunan, ang ‘sumpa kita’ ay naging ‘sampaguita’.
Alamat ng Sampaguita (Version 2)
Ang sampaguita, na ating pambansang bulaklak, ay may iniingatang isang magandang alamat. Ang dalawang pangunahing tauhan ay bibigyan natin ng mga makabagong pangalan, bagaman ayon sa matanda, ang mga tagpong inilalarawan sa kuwento ay nangyari noong bago pa dumating dito sa atin ang mga Kastila.
Noo’y panahon pa ng mga baranggay at datu. Ang Balintawak at ang Gagalangin ay baranggay na magkapit-bahay. Sa pagitan ay may isang matibay na bakod na yari sa mga pinatuyong kawayan , na tuwing limang taon ay ginigiba at pinapalitan.
Kung minsan, ang nagpapalit ay ang mga kawal ng datu sa Gagalangin; kung minsan naman ay ang mga kawal ng datu sa Balintawak. Ngunit ang lahat ay gumagawa alinsunod sa utos ng kani-kanilang puno.
Ang datu ng Balintawak ay mayroon daw isang anak na dalaga na walang pangalawa sa kagandahan, maging sa mukha at sa pag-uugali. Ang ngalan niya ay Rosita, wala na siyang ina, datapuwa’t mayroon siyang apat na abay na pawang mga dalaga rin; sila ang nag-aasikaso sa kanyang mga pangangailangan. Maraming binatang nagingibig sa kanya, ngunit ang nakabihag ng kanyang mailap na puso ay ang anak na binata ng datu ng Gagalangin na nangangalang Delfin.
Nakapagtataka kung bakit gayong ang kanilang mga ama ay mahigpit na magkaaway ay sila’y tinubuan ng pag-ibig sa isa’t isa.
Marangal ang pag-ibig ni Delfin kay Rosita — walang halong pag-iimbot, walang ano mang masamang hangarin.
Sa isang sulok ng bakod ng hangganang natatabingan ng malagong halaman, si Delfin ay gumagawa ng isang lihim na lagusan na kanyang madaraanan.
Kaya’t kung gabing maliwanag ang buwan, malimit daw magpasayal sila ni Rosita, kasama ang mga abay na dalaga. Sinasamyo nila ang malinis na simoy ng kabukiran at pinanonood nila ang kaaya-ayang mukha ng buwan. Ang pag-iibigan nilang iyon ay lingid sa kaalaman ng kanilang mga magulang.
Minsan, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hanggahang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak.
Nag-utos siya sa ilan niyang mga tauhan upang magmasid sa ginagawang pagbabakod ng mga taga-Balintawak.
Nang sila’y magbalik, tumanggap siya ng balita na ang bagong bakod na itinatayo ay iniusod nang may limang talampakan sa dako ng Gagalangin, at samakatuwid ay nakakakuha sa kanilang lupa. Agad siyang nagpautos sa datu ng Balintawak.
“Sabihin ninyo,” anya sa mga utusan, ” na ibalik ang bakod sa dating kintatayuan. Hindi matuwid ang kanilang ginagawa, sapagkat tunay na isang pagnanakaw.”
Nagalit ang datu ng Balintawak nang humarap sa kanya ang mga sugong buhat sa Gagalangin ng sabihin sa kanya ang bilin ng datu roon.
“Sabihin niyo sa inyong datu,” ang wika niya sa mga sugo,” na ako’y hindi magnanakaw. Ang bakod ay binabalik ko lamang sa dapat kalagyan ayon sa natuklasan kong mga kasulatan ng aking mga nuno.”
Ipinag-alab ng loob ng ama ni Delfin ang tinanggap niyang balita. Sa gayong mga alitan, ang karaniwang nagiging hangganan ay digmaan.
Inihanda ng datu ng Gagalangin ang kanyang mga hukbo. Kailangang bawiin niya sa pamamagitan ng patalim ang lupang sa palagay niya ay ninakaw sa kanya.
Nang mabalitaan ng datu ng Balintawak na ang Gagalangin ay naghahanda upang siya ay digmain, iginayak din niya ang kanyang mga kawal.
Nang malapit na ang araw ng paglusob ng hukbo ng Gagalangin sa mga taga-Balintawak, ang datu ay biglang dinapuan ng isang mahiwagang karamdaman at di nagtagal ay namatay.
Naiwan kay Delfin ang isang mabigat na panagutan: siya ang magiging heneral ng hukbo ng Gagalangin.
Nang makarating sa kaalaman ni Rosita ang bagay na ito, siya’y kinabahan. Si Delfin ay batang-bata at wala pang gaanong karanasan sa digmaan, samatalang ang kanyang ama ay nahasa na sa maraming pakikilaban sapul pagkabata.
Gayon na lamang ang kanyang pag-aalala. Ibig sana niyang magkausap sila ni Delfin upang ito’y himuking iurong na ang digmaan at mapayapang pakipag-usapan sa ama niya ang lahat. Datapuwa’t wala na silang panahon upang magkausap pa.
Kinabukasan noo’y lalabas na sa larangan ang kanyang ama sa unahan ng isang malaking hukbo.
Naging madugo ang labanan nang magsagupa ang dalawang hukbo. Maraming nalagas sa magkabilang panig. Si Delfin ay natadtad ng sugat, at dahil sa masaganang dugong nawala sa kanya, siya’y nabuwal na lamang at sukat sa lupa.
Bago siya nalagutan ng hininga, ipinagbilin niya sa kanyang mga kawal na doon siya ilibing sa tabi ng hangganang bakod, malapit sa lihim na lagusang dinaraanan niya kung gabing maliwanag ang buwan at sila ni Rosita, kasama ng mga abay nito, ay mapayapang namamasyal sa makapal na damuhan.
Hindi nabanggit ng mga matatandang nagkuwento ang sinapit na buhay ng dalawang magsing-ibig, kung ano ang naging hanggan ng labanan. Ang sabi lamang nila ay ganito: nang mabalitaan ni Rosita ang pagkamatay ni Delfin sa labanan, ang dalaga’y nagkasakit sa matinding dalamhati.
Nagpatawag ng magagaling na mangagamot ang datung ama niya, ngunit sino man sa kanila’y hindi nakapagpagaling sa kaawa-awang dalaga.
Unti-unti itong pinanawan ng lakas. Nang sa palagay ni Rosita ay hindi siya magtatagal, hiningi niya sa kanyang ama na ang bangkay niya’y doon lamang ilibing sa tabi ng pinaglibingan kay Delfin. Masaklap man sa kalooban ng datu, pinagbigyan niya ang kahilingan ng minamahal niyang anak.
Maraming taon ang lumipas mula noon. Nawala na ang mga baranggay at dumating na ang mga Kastila. Naitatag na ang siyudad ng Maynila.
At buhat noo’y marami ng tao sa Balintawak at sa Gagalangin. Ngunit ang mga tao sa dalawang pook na ito ay naliligalig sa isang mahiwagang bagay.
Kung buwan daw ng Mayo, lalu na kung mga gabing maliwanag ang buwan, may mahiwagang tinig na naririnig ang nagsisipanirahan sa may pagitan ng dalwang nayong naturan.
Ang tinig ay waring sa isang babae at malambing daw na parang marahang bulong ng panggabing hanging humahalik sa mga dahon ng halaman. “Sumpa kita! …Sumpa kita!” ang winiwika raw ng tinig. Ngunit ang mga tao, kung minsa’t sila’y nagbabantay, ay wala namang nakikita.
Napansin nila na ang waring nagmumula sa isang masukal na dako, na sinibulan ng dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa’t maputi, maraming talulot at ang iwing bango’y pambihira. Ganyan ang lagi nang nasasaksihan ng mga tao roon kung buwan ng Mayo, taun-taon.
Sa di-kawasa’y naisipan nilang hukayin ang dalawang halamang iyon upang matuklasan ang hiwaga ng malambing na tinig at ang kahulugan ng mga salitang sinasambit. Hindi naman sila gaanong naghirap. Nguni’t ang kanilang pagtataka’y lalo pang nadagdagan nang makita nilang ang dalawang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay.
Ngayo’y nanariwa sa alala ng mga matatanda ang kasaysayan ng dalawang kapos-palad – Si Delfin at si Rosita.
Samantala….
Ang kuwento’y nagkasalin-salin sa maraming bibig, at ang “Sumpa kita!” na inihahatid ng panggabing simoy sa pandinig ng mga nagmamatyag ay naging “Sampaguita” , na siyang iningalan na tuloy sa mahalimuyak na bulaklak ng halamang tumutubo sa libing ng magsing-irog.
Buod ng Alamat ng Sampaguita (Version 2)
Noon ay may magkatabing baranggay, ang Balintawak at ang Gagalangin.
Bagama’t hindi magkasundo ang mga datu sa dalawang naturang baranggay ay nagkaibigan naman ang mga anak nito, sina Rosita at Delfin.
Noon ay may malaking bakod na gawa sa pinatuyong kawayan ang naghahati sa dalawang baranggay. Kada limang taon ay pinapalitan ito ng mga kawal ng Balintawak at ang Gagalangin.
Linggid sa kaalaman ng kanilang mga magulang, sina Delfin at Rosita aynamamasyal kung gabing maliwanag ang buwan. May lagusan palang ginawa si Delfin upang magkita sina ni Rosita.
Isang araw, nabalitaan ng datu ng Gagalangin na ang hangganang bakod ay binubuwag at pinapalitan ng mga taga-Balintawak. Ibinabalik lamang daw ng datu sa Balintawak ang dating porma ng bakod, base sa natuklasan niyang kasulatan ng kanilang ninuno.
Sa madaling sabi, mauuwi sa digmaan ang alitang ito ng dawalang datu. Ngunit ilang araw bago magsimula ang labanan, dinapuan ng mahiwang sakit ang ama ni Delfin na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Kaya naman naiwan ang responsibilidad kay Delfin. Ayaw sanang matuloy ni Rosita ang digmaan ngunit wala silang panahon ni Delfin para makapag-usap.
Nasawi din sa digmaan si Delfin. Inilibing ito sa hangganang bakod malapit sa lagusang malimit niyang daanan upang makipag-kita kay Rosita tuwing maliwanag ang buwan.
Sa tindi ng lungkot na dinanas ng naulilang si Rosita, siya naman ay nagkasakit na naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Bago malagutan ng hininga ay hiniling niya sa amang datu na ilibing siya malapit sa pinaglibingan ng kanyang pinaka-mamahal na si Delfin.
Maraming panahon ang lumipas at nawala ang dalawang baranggay ng Balintawak at ang Gagalangin. Ayon sa sabi-sabi, kung gabi raw ay may nariringgan ang mga tao malapit sa lugar na iyon ng isang tinig ng babae na nagsasabing, “Sumpa kita. Sumpa kita.” Tila raw nagmumula ang tinig sa dalawang puno ng halamang ang mga bulaklak ay may kaliitan datapuwa’t maputi, maraming talulot at ang iwing bango’y pambihira.
Nang kanila itong hukayin ay laking gulat nila ng makitang ang dalawang puno ng mababangong halaman ay nagmumula sa mga bibig ng dalawang bungong hindi gaanong nagkakalayo sa pagkakabaon, at nakakabit pa rin sa kalansay.
Naalala ng mga matatanda sa lugar ang malungkot na pag-iibigan nina Delfin at Rosita.
Sa paglipas ng panahon, ang “Sumpa kita!” na madalas marinig ng mga taga-roon malapit sa mabangong halaman na nabanggit ay naging “Sampaguita.”