Kaawa-awa ang batang si Juan. Ulila siya sa ama at ina. Nakatira siya sa kanyang tiya at tiyo. Mga pilyo, tamad, at masasama ang ugali ng kanilang mga anak. Malupit sila kay Juan. Sinisigawan, pinapalo at pinagtatawanan nila si Juan kapag nagkakamali ito. “Pak-Juan” ang tawag nila sa pinsan na ang ibig sabihin ay pangit si Juan.
Malaki ang ulo ni Juan. Maiitim ang kanyang mga ngipin at mapupula ang kanyang makakapal na labi. Ngunit mabait, masipag at matulungin si Juan. Nagtatrabaho siya sa bahay sa buong maghapon. Naglilinis, nagluluto, nag-aalaga ng bata, at nagliligpit ng kinainan.
Minsan, nabasag ang hinugasang pinggan ni Juan. “Wala kang ingat, maghuhugas ka lang ng pinggan ay mababasag pa”, sigaw ng kanyang tiya. Pinagtawanan siya ng kanyang mga pinsan, “ha-ha-ha, Pak-Juan! Pak-Juan!”, ang paulit-ulit na biro ng mga pinsan.
Hindi na nakatiis si Juan. Umiiyak siya. Tumawag siya at nanalangin sa Poon. “Kung maari kunin mo na po ako! Hirap na hirap na po ako!”
At biglang nagdilim ang langit! Bumuhos ang malakas na ulan. Kumidlat at kumulog. Kinabukasan, di na nakita ng mag-anak si Juan.
Sa halip, isang halamang may bungang simbilog ng ulo ni Juan ang kanilang nakita. Biniyak nila ang bunga. Simpula ng mga labi ni Juan ang laman nito at sing-itim ng mga ngipin ang mga buto. Nagsisi ang mga anak. “Juan, sana’y mapatawad mo kami”, ang sabi nila sa sarili. Nagbago sila ng ugali. Inalagaan nila ang halaman. Tinawag nila itong Pak-Juan. Sa paglipas ng mga araw, nang Pakwan ang tawag sa halaman. Iyon ang simula ng pagkakaroon ng halamang pakwan.