Ayon sa isang matandang alamat, sa Albay ay may isang kagalang-galang na raha na sinusunod ng lahat. May anak itong dalaga na hinahangaan dahil sa taglay nito ng kagandahan at kabaitan. Daragang Magayon ang kilalang bansag sa anak ng raha. Daraga na nangangahulugang dalaga at magayon na ang ibig sabihin ay maganda.
Sapagkat ubod ng ganda, maraming binata ang dumadayo pa sa Albay makita lamang ang anak ng raha. Kabilang sa mga mangingibig ni Daragang Magayon ay mga binatang anak ng mga raha rin mula sa Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes at Sorsogon.
Bagama’t kalat na kalat sa kabikulan ang nababalitang kariktan ni Magayon, pinagtiyap lang ng pagkakataon kung bakit nalaman din ng isang binatang mula sa napakalayong lugar sa katagalugan ang kahali-halinang kagandahan.
Ang binata ay si Ulap na anak ni Raha Tagalog ng Quezon. Isa siyang abenturerong manunudla ng mga hayop gubat kaya siya napadpad sa kabikulan.
Minsang nakatulog siya sa kagubatan ay ginising siya ng halakhakan ng mga kadalagahan mula sa batis ng Rawis. Nakita niyang naglulunoy sa malinaw na tubig ang magagandang dilag. Pinakamaganda rito si Daragang Magayon.
Hindi nagpakilala si Ulap sa inibig na kaagad na dilag. Sapagkat nalaman ng binatang buwan-buwang naglulunoy ang magkakaibigan sa batis ay pinagsasadya niya ang nasabing lugar upang masilayan lamang ang pinakamamahal.
Sa tuwing nagsisiahon ang mga dalaga sa kristal na batis ay gustung-gusto na sanang makipagkilala ni Ulap kay Magayon subalit nag-aalala siyang baka sabihing siya ay pangahas.
Minsang napansin niyang may mga binata ring nakipaligo sa bukal Rawis ay nakiligo na rin si Ulap. Sa sobrang pagmamahal kay Magayon ay sinikap niyang mapansin siya ng dalaga.
Naging madalas ang pakikilunoy ni Ulap sa mga kabinataan upang mapalapit lamang kay Daragang Magayon.
Minsang nagpapahinga na sa talampas si Ulap at paakyat na ang dalaga ay napansin ng binatang isang malaking ahas ang umuusad papalapit sa damuhang nilalakaran ng kaniyang diyosang sinasamba. Patakbo siyang sumaklolo at sa isang kisapmata ay natagpas ang ulo ng ahas na nagkikisay sa paanan ni Daragang Magayon. Laking pasasalamat ng dalaga.
Iyon ang pagkakataon upang makipagkilala na si Ulap sa dalaga. Lagi at lagi na silang nagkikita. Mga sariwang prutas lang ang inihahandog nito sa kanya. Akala ni Daragang Magayon na ordinaryong mamamayan lang si Ulap sa kanilang bayan.
Wala kasi itong yabang sa katawan.
Nang masukol sa kuwentuhan ay naipagtapat niyang anak din siya ng sikat na si Raha Tagalog sa Tayabas.
Lalong humanga sa pagpapakumbaba ni Ulap si Daragang Magayon.
Naikumpara niya ang binata sa manliligaw niyang si Iriga, matandang balong pinuno ng Camarines Sur. Pawang nagkikinangang alahas ang inihahandog nito sa kaniya. Magarbong matanda si Raha Iriga na kinatatakutan ng lahat pagkat kilala ito sa kawalan ng katarungan, raha ng mga magnanakaw at puno ng kasamaan.
Nagkaibigan si Ulap at si Daragang Magayon. Upang patunayan ang pagmamahal sa dalaga ay pinagsadya niya sa kaharian ang ama nito at malakas na itinulos ang matulis na sibat bilang pagpapatunay sa masidhi niyang pagmamahal kay Daragang Magayon. Iyon ay paghamon din sa sinumang nais magpahayag ng pag-ibig kay Daragang Magayon.
Humanga sa tapang ni Ulap si Raha Makusog. Nag-usap sila. Ipinagpaalam ng binatang papupuntahin ang mga magulang niya upang pormal na hingin ang kamay ni Daragang Magayon upang sila ay makasal sa lalong madaling panahon.
Pumayag ang mabait na ama ni Magayon. Bago sumagot ay nagpasya na si Raha Makusog na isauli na ang lahat ng alahas na handog ng ganid na si Raha Iriga.
Nakarating kay Raha Iriga ang nalalapit na pamamanhikan at kasalan.
Habang papauwi si Ulap upang sunduin ang mga magulang ay nilusob ni Raha Iriga ang baranggay ni Raha Makusog.
Bilang benggansa, binuhay niya bilang alipin si Raha Makusog at itinakda ang kasal nila ni Magayon sa pagbibilog ng buwan. Nagpakatanggi-tanggi ang dalaga subalit tuso si Raha Iriga.
Ipapapatay daw niya ang ama kung hindi pakakasal sa kaniya ang dalaga. Kumagat sa patalim si Daragang Magayon na dasal nang dasal na sana ay dumating na ang binatang pinakamamahal.
Naghahanda na sa maringal na pamamanhikan si Ulap at ang mga magulang nang makarating sa binata ang balitang sinapit ni Magayon. Galit na galit na isinama niya kaagad ang mga kawal.
Ang paghaharap ni Ulap at Raha Iriga ay tunggalian ng lakas sa lakas. Sapagkat katarungan ang ipinakikipaglaban kaya lalong lumakas si Ulap na sa huling malakas na taga ay napatay ang Raha ng Kasamaan. Tuwang-tuwa si Daragang Magayon na patakbong yumakap sa tagapagtanggol. Sapagkat napagitna ang magkasintahan sa mga kawal na nagdidigmaan ay di napansin ni Daragang Magayon ang ligaw na sibat na tumama sa dibdib niya.
Natulala si Ulap na sumapo at yumakap sa mahal niyang diyosa. Napakabilis ng pangyayari. Hindi na nakapagpaalam pa ang magandang dalaga. Sa isang kisapmata ay sinugod naman ng tagapagtanggol ni Iriga si Ulap. Tumagos sa dibdib ng binata ang may lasong sandata. Nang makita ni Raha Makusog ang katampalasanan ng alipin ay tinagpas niya ang ulo ng buhong.
Nagapi sa digmaan ang ilan sa mga tauhan ng ganid na raha. Ang karamihan na naniniwala pa rin sa katarungan, kapayapaan at pag-iibigan ay nagsiluhod at pumayag na paampon sa mga matatapat na kawal ni Raha Makusog na inalalayan ng mga mandirigma ni Ulap mula sa katagalugan.
Bagama’t nauwi sa pagdadalamhati ang kasalan ni Ulap at ni Daragang Magayon ay nagyuko na lang ng ulo si Raha Makusog bilang pag-alinsunod sa itinakda ni Bathala.
Bilang pagbibigay pahalaga ng ama sa nag-iisang anak, pinagsama niya ang bangkay ng magsing-irog sa lugar na malapit sa batis Rawis na unang pinagtagpuan ng dalawa.
Ang lugar na iyon na pinaglibingan kay Daragang Magayon ay kapansing-pansing tumataas taun-taon. Sa kinatagalan ay lumaki ito nang lumaki at naging isang bundok. Bilang pagpapahalaga sa dakilang pag-ibig na inialay kay Daragang Magayon, ito ay tinawag na Bundok ni Daragang Magayon na ngayon ay naging Mayon.
Sa panahong tila humahaplos ang maninipis na ulap sa tuktok ng bundok, sinasabi ng mga matatanda na hinahagkan ni Ulap ang pisngi ni Magayon. At kapag marahang dumadaloy ang ulan sa gilid ng bundok, iyon daw ay pagluha ni Ulap na nangungulila sa pagmamahal na hindi nabigyan ng katuparan.
May mga taga-Bicol na naniniwala pa rin sa nagngangalit na kaluluwa ni Raha Iriga. Sinasabi nilang sa pagnanais nitong makuhang muli ang mga alahas na inihandog kay Magayon ay nag-aapoy ang bulkan ng Mayon.