Si Agyu ang pangunahing bayani ng sinaunang epikong-bayan na Olaging at Ulahingan sa Mindanaw. Olaging ang tawag sa epikong-bayan ng mga Bukidnon at sinasabing ukol lámang ito sa búhay at pakikipagsapalaran ni Agyu. Sa kabilâng dako, ayon kay Elena G.
Maquiso (1977), ang Ulahingan ay isang sanga ng epikong-bayang Bendigan at nakaukol sa búhay ni Agyu at kaniyang angkan. Ang Bendigan diumano ay epikong-bayan ng mga Manobo at may sanga ito na tinatawag na Tulalangan at hinggil naman sa bayaning si Tulalang.
Malimit na ang paksa ng Ulahingan ay ang paglalakbay ni Agyu, angkan, at mga alagad upang hanapin ang Nalandangan o Nelendangan.
Nagsisimula ito sa pagdating ng isang malupit na kaaway o mananakop kayâ kailangang tumakas ng komunidad ni Agyu. May episodyo tungkol kay Mungan, asawa ng kapatid ni Agyu na si Vanlak.
Nagkasakit ng ketong si Mungan at nagpasiyang magpaiwan. Ngunit pinagaling siyá ng mga naawang diwata at tinuruan pa kung paanong makaliligtas ang komunidad ni Agyu.
May episodyo din sa mga kapatid ni Agyu na gaya nina Tabagka at Lena, gayundin sa anak niyáng si Bayvayan.
Isang lumilipad na malaking bangka, ang sarimbar, ang sinakyan nina Agyu upang makaligtas. Sa dulo, narating nilá ang pangakong lupain, ang Nalandangan, at doon naghari si Agyu sa habang-panahon kasáma ang mga adtulusan o pinagpalà.
Gayunman, may nakararating ding kaaway at ibang problema sa Nalandangan. Sa isang Olaging na nakolekta ni Ludivina R. Opeña (1972), inilarawan ang isang malaki’t madugong labanan nang lusubin ng mga kaaway ang Nalandangan.
Nagwagi ang mga taga-Nalandangan dahil sa kapangyarihan ni Agyu at sa husay niyá sa pakikidigma. Ang isang katangi-tangi sa Olaging na ito ay ang paglalarawan sa tila-paraisong kalagayan ng Nalandangan at sa malaking bahay ni Agyu.
Buod ng Agyu
Ang mga bayaning sina Banlak, Agyu, at Kuyasu ay nakatira sa bayan ng Ayuman. Sa tradisyong Ilianon sila’y magkakapatid na anak ni Pamulaw.
Si Agyu ay may apat na kapatid na babae, ngunit sina Yambungon at Ikawangon lamang ang binanggit sa epiko. Isang araw nagpadala si Agyu sa datung Moro ng siyam na komu-buu-buong pagkit sa pamamagitan nina Kuyasu at Banlak.
Nagalit ang datung Moro dahil kakaunti ang pagkit pambayad, kaya’t kanyang ibinalibag ang pagkit kay Kuyasu na tumama sa may ulser.
Gumanti si Kuyasu at kanyang sinibat ang datu na tinamaan sa dibdib. Nahulaan ni Agyu na magkakagiyera dahil napatay ang datu.
Nagtungo sila sa Ilian at ipinasiya ni Agyu na magtayo ng kuta sa bundok ng Ilian. Ang mga mandirigmang Morong nagdaan sa Ilog Palangi ay dumating at nakita ang kutang ginawa ng mga Ilianon. Nakipaglaban sina Agyu sa mga Moro at halos naubos ang mga kaaway.
Pagkatapos ng tagumpay, ipinasya ni Agyu na lumipat sa bayan. Pinili niya ang bundok ng Pinamatun. Hanggang narating nila ang bayang Tigyandang at dito sila sinalakay.
Lumaban ang mga tauhan ni Agyu sa pampangin ng look ng Linayagon. Nang sila’y naubusan ng tauhan, ang batang anak ni Agyu na si Tanagyaw ay nagprisintang sasagupa sa mga kaaway. Napatay niyang lahat ang kalaban nang ikaapat na araw. Narating ni Tanagyaw ang bayang Bablayon.
Nanghihilakbot ang mga tao rito at nang malaman niyang lulusubin sila ng mga kaaway o mananakop nanlaban at napatay ni Tanagyaw ang mga mananakop. Dahil dito ay ipinakasal ng datu ang kanyang anak kay Tanagyaw.
Di nagluwa’t ang bayan ni Agyu ay nanganib din sa mga mananakop na galing sa ibayong dagat. Ang mga lalaki, bata at matanda ay sinabihang lumaban ngunit sila’y natalo.
Hinulaan ng propeta ang malagim nilang wakas ngunit sinalungat at pinarusahan siya ni Tanagyaw. Nagbihis siya ng sampung suson makasiyam ang kapal at dinampot ang kanyang sibat at kalasag na hindi nasisira.
Nilabanan niya ang mga mananakop sa dalampasigan. Naghambalong ang mga patay, patung-patong, na parang bundok at burol.
Itinalaga ni Agyu ang bayan sa kanyang matagumpay na anak na nanirahan doon kasama ang kanyang kaakit-akit na asawa.