Ang Alamat ng Aswang

Noong unang panahon, lima pa lamang ang tao sa mundo.Isa na dito ay ang batang si Lam-eng. Kasama niya sa kanilang kahariang patag ang kaniyang Tiyo Samuel. Nandoon din ang dalawa nilang alalay na sina Inas dilim at si Amir-ika sinag.

Gabi-gabing nananaginip si Lam-eng tungkol sa isang lalaking kamukhang kamukha niya na nakatira sa bundok. Dahil sa pagkabahala, tinanong niya ang kaniyang Tiyo Samuel ukol dito.

Sinabi sa kaniya ng kanyang Tiyo Samuel na kambal silang ipinanganak ng kanilang inang supremong bathala.

Siya ay pinatira sa patag kasama ng ng kanyang tiyo at ang kaniyang kambal na si Asuw-eng naman ay mag-isang iniwan sa bundok.

Napatigil ang kaniyang tiyo sa pagkukuwento.

Naisip kasi nito na kung sakaling magkasama ang dalawang magkapatid, ay magsasama din ang malalakas na kapangyarihan ng mga ito na maaring makapagpawala sa taglay na kapangyarihan ni Tiyo Samuel.

Kaya naman sinabi agad nito na napakabangis na taong may pakpak at dalawang malalaking pangil si Asuw-eng.

Kaya umano ito inilagay sa bundok para doon kumuha ng mga karne ng hayop bilang pagkain. Mas malakas din umano ito kay Lam-eng at maaari itong lapain sakaling lumapit si Lam-eng kay Asuw-eng.

Gayumpaman, nais pa ring makita ni Lam-eng ang kaniyang kapatid.

Hindi siya pinayagan ng kaniyang Tiyo Samuel kaya sinabi nito na uutusan na lang niya ang dalawang alalay na umakyat sa bundok para makuha si Asuw-eng.

Gagawin ito pagsikat ng araw kinabukasan.

Gabi bago ang araw ng pag-akyat sa bundok, pasikretong tinawag ni Tiyo Samuel si Amir-ika. Sa kanilang pag-uusap, ibinigay ni Tiyo Samuel kay Amir-ika ang dalawang malalaking karayom.

Kailangan umanong itusok ang dalawang karayom sa leeg ni Inas bago pa sila makarating sa tuktok ng bundok. Dagdag pa rito, kailangan ding sugat-sugatan si Inas na para bang nilapa ng isang mabangis na hayop.

Umakyat na nga ang dalawang alalay sa bundok, at nangyari ang ayon sa plano.

Bumaba si Amir-ika na dala-dala ang bangkay ng kasamang si Inas. Sinabi nito kay Lam-eng na inatake sila ng isang lalaking may pakpak at malalaking pangil.

Buti na lang daw at nakatakbo siya ngunit si Inas ang nabiktima. Natakot si Lam-eng sa nangyari at paniwalang-paniwala siya na halimaw nga ang kanyang kapatid.

Bumaba ang dalawang babaeng anghel na itinakdang magbibigay ng anak sa magkapatid.

Ang isa ay pumunta sa bundok at ang isa kay Lam-eng. Nang magkaanak na si Lam-eng, binalaan niya ang mga ito na huwag pupunta sa bundok dahil nandoon ang halimaw niyang kapatid na si Asuw-eng.

Nagpasalin-salin sa lahi ni Lam-eng ang kuwento tungkol kay Asuw-eng.

Unti-unti ding nabago ang tawag sa halimaw, mula sa Asuw-eng ay naging asuwang at ngayon nga ay aswang. Nagkaroon din umano ito ng mga anak.

Ang isa ay nahahati ang katawan na kung tawagin ay manananggal at ang lalaking malaki’t matikas na tinatawag na kapre, ang lalaking anak ni Asuweng.

Alamat ng Aswang