Naging usap-usapan si Luwalhati sa Baryo Asisto dahil sa madalas niyang pagpunta sa gitna ng dagat. Tuwing alas-kwatro kasi ng hapon ay naglalayag ito tangay ang lampara at munting kuwaderno.
Sa gitna ng dagat kasi nakakapag-isip ng malaya si Luwalhati, hindi lamang ito lubos na maunawaan ng mga tao sa Baryo Asisto. Noong panahon ni Luwalhati ay hindi karaniwan ang lungkot o pighati.
Halos araw-araw ay ipinagdiriwang ng mga tao ang biyaya ng masaganang pangingisda at ani. Sa pamumuno ni Apo Silverio, naging matiwasay at masaya ang pamumuhay ng mga taga Baryo Asisto. Ang tanging emosyon na nananalaytay sa puso ng tao ay tuwa at ligaya, wala nang iba.
May limang buwan na din ang nakalipas ng mamaalam ang kasintahan ni Luwalhati na si Ibarro. Ang kanyang pagkamatay ay ikinagulat ng nakararami dahil ito ay nagpakalunod sa hindi malamang dahilan. Pumunta na lamang ito papalayo sa baybaying dagat hanggang sa hindi na siya matanaw.
Naganap ito sa kasagsagan ng pagtulog ni Luwalhati.
Sa kabila ng nangyari, nanatili pa ding masaya ang mga tao doon, maging si Luwalhati. Magmula noon ay walang pinalampas na pagkakataon si Luwalhati upang bisitahin ang dagat.
Sa gitna ng dagat at binubuklat niya ang kuwadernong nangungulubot ang mga pahina.
Kahit mabigat sa loob ang nangyari ay mas maigting na pag-ibig at hindi dalamhati ang naramdaman ni Luwalhati para sa kasintahan.
“Luwalhati! Magdidilim na, pumarini ka na at baka mahamogan ka diyan!” Sigaw ni Apo Silverio.
“Saglit na lamang po Apo!” Bago lamunin ng dilim ang kalangitan ay nagpasiya na si Luwalhating bumalik sa bahay.
“May lumalabas pa din ba?” Tanong ni Apo pagpasok ni Luwalhati sa bahay.
“Hindi na po kasing dami tulad ng dati.” Sagot ni Luwalhati.
“Hala, bukas ay kabilugan ng buwan, nawa’y matigil na iyang sakit mo.”
Sabay sa kabilugan ng buwan ay ang pista ni San Isidro. Bagamat katatapos pa lamang ng pista noong isang araw ay hindi ito naging hadlang upang magdiwang ang mga taga Baryo Asisto sa pista ni San Isidro. Lahat ng tahanan ay naghanda ng masaganang putahe maliban kina Apo Siverio.
“Itay, kayo po ang namumuno dito sa lugar, bakit po hindi tayo maghanda?” Tanong ni Luwalhati.
“Hindi pa panahon Luwalhati. Kailangang mawala muna iyang sakit mo bago kita maiharap sa tao.”
“Kasi po…si Ibarro…”
“Alam kong mahal mo ang binatilyo, subalit hindi tama ang ginagawa niya sa iyo!”
“Itay, patay na po si…”
“Putragis na patay iyan!”
“Pero itay, nagmamahalan po kami.”
“Hindi iyan maaari sa pamamahay ko! Papaalisin ko iyang patay mong nobyo sa katawan mo!”
Nagsimula nang dumaloy ang tubig mula sa mata ni Luwalhati, pababa sa pisngi, hanggang sa pumatak ito sa sahig. Hindi alam ng mag-ama na nakasilip pala mula sa bintanang anahaw ang tsimosang si Ferri.
“Mga kabaryo!!! Ang anak ng Apo, may sakit! Pagmasdan ninyo! Dali!”
Hindi naglaon ay dinumog na ng halos buong Baryo ang bahay ni Apo. Hindi nagawang pigilin ng matandang katawan ni Apo ang pagsalakay ng mahigit limampung katao. Pinalibutan ng mga tao si Luwalhati at pinagmasdang mabuti.
“Ano iyang nasa mata mo ineng?” Usisa ni Sese.
“Pinaparusahan na tayo ng mga diyos! Kasalanan ito ng baliw mong nobyo Luwalhati!” Sigaw ng matanda mula sa likuran.
“Hindi dapat siya nagpakamatay! Hindi na siya nahiya sa mga diyos natin! Walang utang na loob iyang si Ibarro, wala!” Banat ni Mang Apet.
Ngayon ay lalong dumami ang tubig na dumadaloy mula sa mata ni Luwalhati. Napaatras ang mga tao sa paligid niya maging ang amang si Apo. Pilit tinatakpan ni Luwalhati ang kaniyang tenga upang hindi marinig ni Ibarro ang mga sinasabi ng mga tao.
“Huwag kang makinig Ibarro, hindi totoo ang mga sinasabi nila…” bulong ng kawawang dalaga sa sarili.
“Anong ibinubulong mo sa iyong sarili bata?! Nasisiraan ka na yata ng bait!”, sigaw ng isang ale.”Apo, anong nangyayari sa anak mo?”
“Magsipagtigil kayong lahat! Mahal ko si Ibarro. Si Ibarro at ako ay iisa! Kaming dalawa ay nagmamahalan! Wala akong sakit! Maniwala kayo!” depensa ng dalagang si Luwalhati na ngayo’y hindi na mapigilan ang pagdaloy ng tubig mula sa mata. Unti-unti na ngang nanghina ang dalaga hangga’t sa ito ay malagutan ng hininga sa harap ng madla. Nilapitan ni Apo ang bangkay ng anak at niykap ito ng mahigpit.
“Ito marahil ang kabayaran ng pag-ibig ng aking anak sa isang patay. Tubig mula sa dagat ang dumadaloy sa mata ng aking si Luwalhati. Si Ibarro, at ang aking anak ay naging isa noong araw na siya’y magpaalam. Wagas ang kanilang pagmamahalan, hindi ito sumpa. Ito ay himala!”
Binuhat ni Apo ang bangkay ng anak at dinala ito papunta sa dagat. Pinagmasdan ng mga tao ang pagdaloy din ng tubig mula sa mga mata ni Apo.
“Luwalhati! Luwalhati!” Sigaw ng ama habang papalalim ng palalim ang tubig sa dagat. Mas tumindi ang pag-alon ng dagat pagsapit ng alas-kwatro ng hapon. Subalit hindi ito naging balakid kay Apo Silverio sa paghatid sa kanyang anak sa huli nitong hantungan.
“Luwalha…..…Luwalhati……lu……hati…”
Pagsapit ng alas-sais ng gabi ay bumalik na sa dati ang pag-alon ng dagat. Hanggang sa kasalukuyan ay dala ng sanlibutan ang himala ng pag-iibigang Ibarro at Luwalhati.