Alamat ng Gagamba

Noong unang panahon may isang mag-asawa na biniyayaan ng isang magandang anak na babae. Ang kanilang anak ay tinawag nilang Amba.

Ang mag-asawa ay may hanapbuhay na paghahabi ng mga tela. Parehas na galing sa angkan ng mga mahuhusay humabi ang mag-asawa. Kaya’t tama lamang na ito rin ay kanyang ipapamana sa nag-iisang anak.

Habang maliit pa ang bata ay itinuro na ng mag-asawa kung paano ang humabi. At habang lumalaki na nga ang bata ay unti-unti itong naging bihasa sa paghahabi ng mga tela. Maging ang mga mahihirap na disenyo ay kaya ng gawin ng bata sa murang edad. Nahigitan na nito ang kakayanan ng kanyang ama at ina.

Dahil sa kanyang natatanging kakayanan naging tanyag ang bata sa iba’t-ibang lupalop. Marami ang dumarayo hindi lamang para bumili ng mga disenyo kundi upang makita rin ang paggawa ng bata. Naging mayaman din ang mag-anak dahil sa mga bentang tela na ginagawa ng bata.

Ngunit ang bata ay naging mayabang. Dahil sa alam nito na magaling siya sa kanyang kakayanang paghahabi hinamon nito ang sino man na magkipagtagisan sa kanya. Maraming mga mahuhusay na maghahabi ang tumaggap sa hamon ng batang si Amba. Gusto rin nilang patunayan kung siya nga ay magaling tulad ng napabalita.

Nagtagisan ng galing ang mga maghahabi. Napakahusay nga ang bata. Lahat ng magagaling na maghahabi ay napahanga sa kakayanan ni Amba. Nilaos sila ng bata at dahil dito mas lalong yumabang ang bata.

Ani niya, wala nang makakatalo sa kanyang kakayanan. Maging ang mga diyosa ay kanyang hinamak na wala na ngang makahihigit pa sa galing niya. Narinig ng mga diyosa ang kayabangan ng bata. Hindi na sila nasisiyahan sa nagiging asal ng bata.

Isang araw, isang matanda ang nagpunta sa bahay ng bata at hinamon niya ito. Natawa ang bata ngunit pumayag din ito. Mukha namang pangkaraniwan lang ang matanda at baka nga hindi pa nito alam kung paano humabi. Sigurado na siyang walang panalo sa kanya ang matanda.

Nag-umpisa ang paligsahan. Maraming tao ang dumalo upang manood kung mananalo ang matanda sa batang si Amba. Naging napakaganda ng telang hinabi ng matanda. Maging si Amba ay natulala sa mahirap na disenyong nagawa ng matanda. Ang pasya nang pagkapanalo ay sa tela ng matanda.

Nagngingit-ngit ang bata. Paano daw siya natalo ng isang matanda na mahina na ang mata at uugod-ugod pa. Pinagalitan niya ang matanda at tinulak-tulak ito. Iginiit nito na ang matanda ay nandaya at baka ipinalit lamang ang isang nagawa nang tela sa ginagawa nito. Baka nga si Amba pa gumawa ng tela aniya.

Tangka na niyang pagbubuhatan ng kamay ang matanda nang biglang lumiwanag ang damit ng matanda at nagbago ang kanyang anyo. Iyon pala ay isang diyosa na nagpapanggap lamang.

Hindi na maganda ang asal ng bata ayon sa diyosa. Naging masyadong mayabang ang bata at nararapat daw itong parusahan. Nagbago ang anyo ng bata. Lumiit ito at nagkaroon ng mga mahahabang paa. Umiiyak ang kanyang mga magulang ngunit alam nilang wala na silang magawa para sa bata.

Simula noon ang batang si Amba ay naging unang gagamba. Sa ngayon, makikita pa rin ang kahusayan ng mga gagamba sa paghahabi ng kanilang mga bahay.

Alamat ng Gagamba