Si Tandang Kadyong, hari ng karamutan ay nag-iisang naninirahan sa gitna ng bakurang puno ng halaman. Madalas ay hitik ng bunga ang kanyang puno ngunit walang maaaring humingi dito dahil ubod ng damot ang matanda.
“Ipinagbibili ang mga bunga dito, hindi ipinamimigay.” Iyan lagi ang sabi ni Tandang Kadyong kapag may nagkamaling humingi.
Isang umaga, may isang matandang babae na hindi taga-nayon na napaligaw doon. Habang naglalakad siya ay napadako sa may harapan ng bahay ni Tandang Kadyo. Nagkataong nakakaramdam narin ang babae ng gutom at pagod dahil sa mahabang paglalakad.
“Kay dami ng bunga ng bayabas! Mura lang naman ito, palagay ko’y maaari akong humingi ng kahit isa o dalawa sa may-ari.”
“Hindi! Hindi ipinamimigay ito. Bukas lang ay darating na ang suki kong tagabayan at bibilhing lahat ang mga bayabas na ito.”
“Kahit na sana isa lamang.” samo ng babae
“Sinabing hindi! Wala! Pinaghirapan ko iyan at hindi ko ipinamimigay sa iba.” Sabay talikod ang lalaki at umakyat na sa kanyang bahay.
Noon na ang huling pagkakita ng mga tao kay Tandang Kadyo.
Pagkaraan ng ilang araw ng pagtataka dahil sa walang nakakakita sa matanda, sinubukan ng isang bata na pumitas ng nakalawit na bayabas. Walang nagalit.
Binuksan nila ang pinto ng bahay. Biglang lumipad na palabas ang isang ibon. Napansin ng mga bata na malalaki ang mata at tila naghahanap o di kaya ay nagbabantay.
“Anong ibon iyon?” Tanong nila.
“Kamukha ni Tandang Kadyo.”
Naging Kuwago nga si Kadyo ngunit hanggang ngayon ay binabantayan parin ang mga bunga na ipinagmamaramot niya.
At iyon ang alamat ng Kuwago.