Magkapatid sina Rona at Lisa ngunit magkaibang-magkaiba ang ugali nila. Masipag si Rona ngunit si Lisa ay walang inaatupag kundi ang magpaganda.
Habang naglilinis ng bahay, nagluluto o naglalaba si Rona, si Lisa ay nasa harap ng salamin, nagsusuklay, at nag-aayos lagi ng sarili.
“Ate, tulungan mo naman ako. Ang dami kong labahing damit. Karamihan naman ay sa iyo,” sabi ni Rona sa kapatid isang umaga.
“May gagawin pa ako. Kayang kaya mo naman iyan.” Naisip ni Lisa na pipitas na siya sa hardin ng bulaklak na maipapalamuti sa kanyang buhok.
Pumunta na nga si Rona na mag-isa sa tabing ilog para maglaba. Si Lisa ay bumaba sa kanilang hardin sa harapn ng bahay. Habang pinipili niya kung aling bulaklak ang magandang iipit sa buhok, may matandang babae na lumapit sa tarangkahan.
“Ineng, maari mo ba akong malimusan?” samo ng matanda.
“Wala! Wala akong maililimos,” pakli ni Lisa na patuloy sa paghahanap ng mailalagay sa buhok.
“Kahit na kapirasong tinapay. Ako lamang ay gutom na gutom na.”
“Sinabi nang wala!” sigaw ni Lisa, sabay pagpitas sa isang bulaklak na maganda ang kulay.
Nagalit ang matanda “Hindi ka lang pala tamad, maramot ka pa at walang galang sa matanda. Gagawin kitang tulad niyang hawak mong bulaklak ngunit isang kulisap.”
Engkantada pala ang matandang babae.
Nang bumalik sa bahay si Rona, hinanap niya ang kapatid. Pumunta siya sa hardin dahil alam niyang mahilig ito sa mga bulaklak. Subalit wala si Lisa. Ang napasin ni Rona ay ang paruparong lumilipad-lipad sa ibabaw ng mga bulaklak.
At iyon ang alamat ng paruparo.