Noong kauna-unahang panahon,sa bulubundukin ng Kilod, Bontoc, may dalagang nagngangalang Bangan. Siya ay mabait, matulungin, at matapat sa pananalita at paggawa. Ngunit bagaman kapuri-puri ang kanyang ugali, hindi siya kinagigiliwang laging kasama ng mga kanayon niya.
Bakit? Siya kasi ay maraming sakit sa balat. Ikinalulungkot niyang mabuti ang kanyang madalas na pag-iisa, kaya’t naisipan niyang pumunta sa malayong bundok para makakita ng makakasama.
Sa bundok ay naging masaya siya. Ang mga ibong nag-aawitan, mga bulaklak na marilag at mababango, mga punong nagbibigay ginhawa, dahil sa kanila’y nalimutan ni Bangan ang kanyang kapansanan. Madalas niyang kausapin ang naghandog ng lahat ng kagandahan sa buhay.
“O, Kabunian, may gawa ng lahat nang ito, sana po’y maging puno rin ako. Nais ko pong makapagdulot din ako ng kagandahan ay kasayahan sa mundo. Gawin po ninyo akong puno at nang ang mga ibon, paru-paro, at iba pang mga nilalang ay maging kaibigan ko.”
Nang minsang nahihimbing ang dalaga, may narinig siyang malumanay na tinig. “Anak, ang nais mo ay matutupad.”
Ang dalagang si Bangan ay hindi na nasilayan kailanman. May bagong punong sumibol sa bundok. Inilipad ng hangin ang mga buto nito sa maraming kabundukan at dumami ang mga puno.
Nagpakita muli si Kabunian at tinanong si Bangan na isa na ngayong pine tree o tinatawag na puno ng pino.
“Nais mo bang manatiling pine tree o bumalik sa dati mong anyo?”
“Ang nais ko po’y manatiling isang pine tree. Masaya po ako. Marami pong naliligayahan sa akin at sa mga katulad ko. Ginagayakan po ako at ginagamit na pampasaya sa mga tahanan tuwing pasko. Salamat po at ginawa ninyo akong pine tree.”
At iyon nga ang alamat ng puno ng pino o mas kilala sa tawag na pine tree.