Ang Alamat ng Bundok Makiling

Ayon sa mga ninuno kong taga Santo Tomas, Batangas, tunay daw na may diwatang nagngangalang Maria sa bundok ng Makiling.

Marami raw ang nakakakita sa dalaga kapag umaakyat sa bundok. Napakaganda raw at napakabait. May mga nakakahiram pa raw sa dalaga ng magagarang damit at alahas para sa mga pagdiriwang.

Paminsan-minsan, kapag may ikinakasal, nahihiraman ng trahe de boda, damit na pangkasal, at mga singsing at hikaw na gagamitin ng nobya.

Malaon nang wala na ang diwata. Wala nang makakita sa kanya kahit hanapin pa siya sa lahat ng dako ng bundok. May nagsasabing marahil daw kaya ayaw nang magpakita sa tao ay dahil marami sa mga hiniram na pag-aari niya ay hindi na isinauli. May mga tao nga namang hindi marunong magsauli ng hiniram lamang.

May nagkuwento naman na may naging kasintahan daw si Maria na isang maggagatas na naging taksil sa pagmamahalan. isinuko ni Maria ang kaniyang puso sa lalaki. Nag-ibigan sila. Ngunit ang lalaki ay nagpakasal sa ibang dalaga na nakilala niya sa ibang bayan.

Sa laki raw ng dalamhati ng diwata, nagkasakit siya, naratay sa banig ng karamdaman, at di naglaon ay pumanaw.

Kung kayo ay papunta sa lalawigan ng Batangas at dumaan kayo sa Santo Tomas at Tanauan, matatanaw ninyo ang bundok Makiling. Tila baga isang diwata ang nakahimlay sa ibabaw ng bundok, nakalaylay ang buhok. Naghihintay pa kaya sa kasuyong hindi naging tapat sa kanilang pag-iibigan, o sa mga kasuotang sa kanya ay hiniram?

Ang Alamat ng Bundok Makiling