Noong unang panahon sa isang bayan sa Laguna ay matatagpuan ang isang uri ng puno na may bilugan hugis ang bunga. Sa panahon ng tagbunga, kahit na hitik sa bilugang bunga ang nasabing puno ay walang sinuman ang nangangahas na lapitan o kainin ito.
Sa likod ng tila ba masarap na anyo ng bunga nito ay nakakubli ang matindi at maaring nakamamatay na lason.
Nagsimulang katakutan at pag-usapan ang “puno ng lason” ng may isang manlalakbay ang nagpahinga sa ilalim ng puno na may nakakalasong bunga.
Marahil dahil sa pagod, gutom at sa kaaya-ayang kaanyuan ng bunga ay pumitas ang manlalakbay ng bunga ng puno upang kainin. Huli na ng makita upang pigilan ng mga taong-bayan ang manlalakbay sa pagkain nito ng nasabing bunga.
Bumula ang bibig ng manlalakbay at nangisay ito matapos makain ang nakalalasong bunga.
Maliban sa nasabing nakalalasong puno ay marami pang ibang namumungang puno at halaman ang matatagpuan sa bayan.
Sa isang bibihirang pagkakataon ay tinamaan ng isang matinding tagtuyot ang bayan. Nangamatay ang mga tanim na kanilang inaasahang magbibigay sa kanila ng makakain, lingid sa isa… Ang puno na nagtataglay ng nakalalasong bunga.
Taimtim na nanalangin ang mga taong bayan upang matapos na ang nasabing tagtuyot dulot ng matinding tag-init.
Isang araw ay may isang babaeng nakaputi ang dumating sa bayan. Kakatuwa ang babaeng ito dahil ito ay pakanta pang tinungo ang lugar kung saan matatagpuan ang punong namumunga ng bungang may lason.
Sinubukang pigilan ng ilang nakatatanda ang babae ngunit tila ba hindi sila narinig nito at patuloy lamang sa maligayang pag-awit nito at nagsimulang pitasin ang bunga ng puno.
Nagimbal ang mga taong nasaksihan ang pagkain ng babae sa nakalalasong bunga ng puno sa kabila ng kanilang pagbabala dito.
Inasahan na ng mga taong-bayan na anumang oras ay babagsak ito ngunit nakailang bunga na itong nakakain ay wala pa ring nangyayari.
Sa halip ay sarap na sarap pa ito sa pagkain. Marahil sa pagataka at gutom ay nagsimulang lumapit ang mga kabataan sa babae.
Tinanong ng babae ang mga lumapit na bata kung bakit tila ba hindi nagagalaw ang mga masasarap na prutas ng nasabing puno. Inilahad sa kanya ng mga bata ang kuwento ng nakalalasong puno at umiling lamang ang babae.
Pumitas siya ng bunga at pinisil ito upang ilantad ang kaaya-ayang laman ng bunga ng nasabing puno. Sa gutom ay nagbakasakali ang isang bata upang tikman ito.
“Masarap at malinamnam!” ang nasabi ng bata at muli itong pumitas. Nang makita ito ng mga taong-bayan ay nagsimula itong lumapit sa nasabing puno upang kumuha ng bunga upang kainin. Lahat ay nabigla sa kakaibang tamis ng dating itinuring nilang bungang may lason.
Sa di maipaliwanag na pangyayari ay bigla na lamang nawala ang babaeng unang kumain ng bunga ng puno ng lason.
Matapos mabatid na wala na ang lason sa puno ay naitawid ng bayan ang matinding tag-init. Pinaniwalaan ng mga taong-bayan na ang babaeng nakaputi ay isang diwatang sumagot sa kanilang panalangin.
Sa paglipas ng panahon ang dating puno at bunga na may lason ay tinawag na nilang “lansones”.