Manimimbin (Epiko ng Palawan)

Ang Maninimbin ay isa sa mga nalikom at reirekord ng etnolohistang Pranses na si Nicole Revel sa kaniyang pagsasaliksik sa Palawan. Narinig niya ang epikong-bayan kay Masinu.

Nalathala ito sa Paris noong 2000 na may kalakip na mga salin sa Pranses at Ingles. Isa pang epikong-bayang Palawanon, ang Kudaman, ang inilathala sa Paris noong 1983 at muling inilathala noong 1991 nang may salin sa Filipino ni Edgardo Maranan.

Buod

Ang binatang si Manimimbin na naglakbay sa paghahanap ng asawa. Nakatagpo siyá ng isang babae na inibig niya ngunit tumutol sa kaniyang panunuyò. May kapatid ang babae, si Labit, na naging kaibigan ni Manimimbin.

Sa pagpapatuloy ng kuwento, nag-away sina Manimimbin at Labit. Dahil kapuwa may mahiwagang ka­pangyarihan, tumagal ang kanilang paglalaban at walang manalo.

Naisip niláng lumipad sa langit at humanap ng tagapamagitan. Natagpuan nilá ang Kulog at bumalik silá sa lupa.

Sa ikalawang paglalakbay ni Manimimbin at sa tulong ng mga mahiwagang ibon at ng Binibini ng mga Isda, nagwa­kas ang epikong-bayan sa sabay na pag-iisang-dibdib nina Manimimbin at Labit. Nakasal si Manimimbin sa kapatid ni Labit at si Labit sa kapatid ni Manimimbin.

Manimimbin