Kudaman (Epiko ng Palawan)

Isa ang Kudaman sa umaabot sa 60 tultul o epikong-bayan ng pangkating Palawan na nakolekta ni Nicole Revel-Macdonald pagkatapos ng 20 taóng saliksik mulang 1970.

Ang saliksik ni Revel-Macdonald ay patunay sa napakayamang panitikang-bayan ng Filipinas. Ang bayaning si Kudaman ay datu ng Kapatagan, may putong na kalapati at may tahanang naliligid ng liwanag.

May sasakyan siyáng malaki’t mahiwagang ibon, si Linggisan, na isang kulay lilang bakaw, na nagdadalá sa kaniya sa iba’t ibang lupain at pakikipagsapalaran.

Tuwing aalis siyá, iniiwan niya sa mga asawa ang isang bulaklak ng balanoy na kapag nalanta ay sagisag ng kaniyang kasawian.

Ang kasalukuyang Kudaman ay inawit ni Usuy, isang babaylang Palawan, at ilang gabi niya itong inawit. Isinalin sa Filipino ni Edgar B. Maranan ang tultul nang ilathala noong 1991.

Buod ng Kudaman

Nagsisimula ito sa istorya kung paano napangasawa ni Kudaman si Tuwan Putli, at pagkaraan, ang tatlo pang asawa na nagturingang magkakapatid at nagsáma-sáma sa isang tahanan.

Sinundan ito ng pagdalo sa isang pagdiriwang ng mga Ilanun upang manggulo. Ilang taóng naglaban si Kudaman at ang pinunòng Ilanun at sa ganitong labanan ay nagwawagi sa dulo ang bayani upang kaibiganin ang nakalaban.

Anupa’t malimit magtapos ang mga bahagi ng tultul sa malaking inuman ng tabad, ang alak ng Palawan, at pagkonsumo ng mahigit sandaang tapayan ng alak.

Dili kayâ’y nagsisimula ito sa malaking inuman na nauuwi sa labanan kapag nalasing ang mga panauhin. Sa dulo ng mga nairekord na tultul, sampu na ang asawa ni Kudaman na nakatagpo sa iba’t ibang abentura.

Gayunman, mapapansin diumano ang taglay na hinahon at paghahangad ng kapayapaan ni Kudaman. Maraming tagpo ng sigalot na tinatapos sa kasunduang pangkapayapaan at pagpapasiya alinsunod sa tradisyong Palawan.

Nakapalaman din sa tultul ang mga kapaniwalaan ng Palawan at ang konsepto nilá ng sandaigdigan.

Kudaman