Ibalon (Epiko ng Bicol)

Ang epikong Ibalon ay isang salaysay ng pakikipagsapalaran ng mga bayaning sina Baltog, Handiong, at Bantong. Pinaniniwalaang isang sinauna’t mitolohikong salaysay ito ng mga Bikolano. Gayunman, pinagdududahang epikong-bayan ito dahil sa kasalukuyang napakaikling anyo nitó (240 taludtod) at nakasulat sa wikang Espanyol.

Bahagi ang naturang teksto ng libro ni Padre Jose Castaño, isang paring nadestino sa Bikol. May makatang nagsalin ng teksto sa Bikol ngunit walang nakatutuklas hanggang ngayon ng kahit isang orihinal na saknong nitó sa wika ng mga Bikolano. May tumatawag ding Ibalon sa Kabikulan.

Nagsisimula ang salaysay sa isang kahilingan ng ibong si Yling kay Cadugnung na kantahin ang kuwento ni Handiong. Isinasalaysay muna ni Cadugnung ang kagitingan ni Baltog na pumatay sa Tandayag, isang dambuhalang baboy. Sumunod ang kuwento ni Handiong.

Bago siya dumating ay punô ng mababangis at malalaking hayop ang Kabikulan. Madalî niyang pinatay ang mga ito maliban kay Oriol, ang mailap na ahas na nagbabalatkayo bilang isang napakagandang babae.

Pagkatapos mapatay si Oriol ay nagkaroon ng mga pag-unlad sa sining at industriya sa ilalim ng pamumunò ni Handiong. Ang hulíng bayani, si Bantong, ang pumatay sa dambuhalang si Rabot, isang nilaláng na kalahating tao at kalahating hayop at nagiging bato ang matingnan. Pinatay ni Bantong si Rabot hábang natutulog. Dito huminto sa pag-awit si Cadugnung.

Buod ng Ibalon

Si Baltog ay nakarating sa lupain ng Ibalon dahil sa pagtugis niya sa isang malaking baboy-ramo. Siya’y nanggaling pa sa lupain ng Batawara. Mayaman ang lupain ng Ibalon at doon na siya nanirahan. Siya ang kinilalang hari ng Ibalon. Naging maunlad ang pamumuhay ng mga tao.

Subalit may muling kinatakutan ang mga tao, isang malaki at mapaminsalang baboy-ramo na tuwing sumasapit ang gabi ay namiminsala ng mga pananim.

Si Baltog ay matanda na upang makilaban. Tinulungan siya ng kanyang kaibigang si Handiong.

Pinamunuan ni Handiong ang mga lalaki ng Ibalon upang kanilang lipulin ang mga dambuhalang buwaya, mababangis na tamaraw at lumilipad na mga pating at mga halimaw na kumakain ng tao. Napatay nila ang mga ito maliban sa isang engkantadang nakapag-aanyong magandang dalaga na may matamis na tinig.

Ito ay si Oriol. Tumulong si Oriol sa paglipol ng iba pang mga masasamang hayop sa Ibalon.

Naging payapa ang Ibalon. Ang mga tao ay umunlad. Tinuruan niya ang mga tao ng maayos na pagsasaka. Ang mga piling tauhan ni Handiong ay tumulong sa kanyang pamamahala at pagtuturo sa mga tao ng maraming bagay.

Ang sistema ng pagsulat ay itinuro ni Sural. Itinuro ni Dinahong Pandak ang paggawa ng palayok na Iluad at ng iba pang kagamitan sa pagluluto.

Si Hablon naman ay nagturo sa mga tao ng paghabi ng tela. Si Ginantong ay gumawa ng kauna-unahang bangka, ng araro, itak at iba pang kasangkapan sa bahay.

Naging lalong maunlad at masagana ang Ibalon. Subalit may isang halimaw na namang sumipot. Ito ay kalahating tao at kalahating hayop. Siya si Rabut.

Nagagawa niyang bato ang mga tao o hayop na kanyang maengkanto. May nagtangkang pumatay sa kanya subalit sinamang palad na naging bato. Nabalitaan ito ni Bantong at inihandog niya ang sarili kay Handiong upang siyang pumatay kay Rabut.

Nalaman ni Bantong na sa araw ay tulog na tulog si Rabut. Kaniya itong pinatay habang natutulog.

Nagalit ang Diyos sa ginawang pataksil na pagpatay kay Rabut. Diumano, masama man si Rabut, dapat ay binigyan ng pagkakataong magtanggol sa sarili nito.

Pinarusahan ng Diyos ang Ibalon sa pamamagitan ng isang napakalaking baha.

Nasira ang mga bahay at pananim. Nalunod ang maraming tao. Nakaligtas lamang ang ilang nakaakyat sa taluktok ng matataas na bundok. Nang kumati ang tubig, iba na ang anyo ng Ibalon. Nagpanibagong buhay ang mga tao ngayon ay sa pamumuno ni Bantong.

Ibalon