Ang balyena marahil ang pinakamalaking nilalang sa mundo. Ngunit ito’y naging dahilan upang magyabang ang isang balyena.
Ang sabi niya, Ako ang pinakamalaking nilalang sa mundo, kaya’t hindi ako nararapat sa karagatan lang! Sa lupa, mas higit nila akong kikilalanin at hahangaan!
Sa ‘di kalayuan ng aplaya, nakita niyang maliwanag ang landasin doon.
At madalas din, naririnig niya sa mga mangingisdang naglalakbay sa karagatan ang mga kuwento tungkol sa kabayanan. At kung papaanong kinikilala ang mga matatagumpay at mahuhusay doon.
Ang balyenang mayabang ay naghangad.
Isang gabing kabilugan ng buwan, siya ay naglakbay at lumangoy nang matulin patungo sa aplaya.
Masayang-masaya siya sa pag-aakalang katuparan ng pangarap ang naghihintay sa kanya. Ang hindi niya alam, kamatayan pala ang nakaabang.
Dahil nang marating niya ang mababaw na bahagi ng karagatan ay hindi na siya nakalangoy pa. At nang makita siya ng mga tao, siya nga’y pinagkaguluhan!
Ngunit hindi upang hangaan. Kundi upang pagpistahan sa taglay niyang laman.
Sinalakay siya ng mga mangingisda at pinatay.