Mapag-aruga at mapagmahal na ina si Uganda. Hinahangaan siya ng lahat sa pagsisikap na mapalaking mabait ang kaisa-isang anak na si Kulala. Ulila na sa ama si Kulala. Bata pa siya nang matuklaw ng ahas sa bundok ang kaniyang ama. Totoong mahirap lumaking walang ama. Para kay Kulala, hindi buo ang pamilya nila kung patay na ang isa sa mga magulang niya.
Noong una ay hirap din si Uganda. Ina lang sana ang papel na ginagampanan niya. Nang mamatay ang asawa, siya na ang ina, siya pa rin ang naging ama. Pero kahit nag-iisa na siya ay hindi na niya inisip mag-asawa. Pinagsikapan niyang palakihin sa mabuting asal si Kulala. Sa sobrang hirap na dinadanas, may ambisyon ding gustong maipakamit si Uganda sa anak. Nais niyang makapag-asawa ito ng mayaman upang malayo sa karalitaang kanilang naranasan.
Sa pakiwari ni Uganda, marapat lamang na bumuti ang buhay ni Kulala. May kasabihang ang kagandahan at kabaitan ay maaaring maging kasangkapan upang makapamili ng kakasamahin sa buhay. Kung maganda ang isang dalaga, maaaring makapag-asawa siya ng binatang may sapat na karangalan at sapat ding kayamanan. Ito ang naging pamantayan ni Uganda para sa anak.
Ang kagandahan ni Kulala ay lalong napag-usapan nang magdadalaga na siya. Makinis ang kutis at balingkinitan ang katawan niya. May mabibilog at nangungusap na mga mata siya. Ang mga labi niya, kahit di kulayan ay sariwang rosas ang katulad. Ang tinig niya ay may lambing na dala lalo’t kapag siya ay nagtatampo na.
Sapagkat marunong makipagkapwa tao kaya siya ay kaibigan ng bata at matanda. Mahirap at mayaman ay pantay lang sa kanya. Mabuti mang tao o masama ay pinakikiharapan niya. Wala siyang pinipili. Para sa kanya, ang pagpapakatao ay isang mabuting pag-uugali at sapagkat tayong lahat ay galing sa isang tipak na lupa, mauuwi rin daw tayo sa pinanggalingang lupa ni Bathala.
Hanga si Uganda sa paniniwalang ito ni Kulala. Pero kahit lahat ay pinakikiharapan ng anak, nangangarap pa rin ang ina na sana ay mayaman at makapangyarihang binata ang mapangasawa ng kaniyang magandang dalaga.
May sariling puso at isip si Kulala. Totoong maraming naghahain ng pag-ibig sa kaniya pero wala pa siyang napipili kahit isa. Upang matawag ang pansin ni Kulala, lahat nang manliligaw niya ay nagpapakiramdaman at nagpapayabangan mapaniwala lamang ang dalaga sa inihahain nilang pagmamahal. Sa kasamaang palad, lagi at laging sinasamang palad ang lahat ng mangingibig na nagpapasikatan.
Naririyan si Hashim na buong giting na nagmamalaking kukunin niya sa ilalim ng karagatan ang pinakamalaking perlas na iaalay niya sa paanan ng minamahal. Madaling araw pa lang ay mayabang na itong lumusong sa tubig at sumisid na parang barakuda sa kailaliman. Pero sinamang palad siyang mabagok ang ulo sa nakausling bato sa ilalim ng dagat na ikinamatay niya kaagad.
Nanginginig sa takot ang buong katawan ni Kulala nang dalhin sa tahanan nila ang lumaylay na katawan ng mangingibig.
Nasundan ito ng abenturerong si Perot na sa pagnanais na mabigyan ng tuwa si Kulala ay mayabang na lumusong sa ilug-ilugan na kinaroroonan ng pinakamababangis na buwayang kinatatakutan ng mga kalalakihan. Nawakwak nga niya ang tiyan ng pinakadiyus-diyosan ng mga buwaya subalit nahagip ang dibdib niya ng matatalim na mga ngipin ng damulag. Pinapanghina siya sa sobrang dugong umagos sa hapong katawan. Una siyang nalagutan ng hininga bagu tuluyang namatay ang diyablo.
Napaurong si Kulala sa takot nang dalhin sa kanilang bahay ang bangkay ng nagmamahal na mangingibig. Namatay ang binata sa pagnanais na mapasagot ang kagandahang pinag-aagawan ng kabinataan.
Naisip ni Uganda na panahon na upang siya na ina ni Kulala ay siyang pumili ng mapapangasawa ng anak niya. Sa mga anak ng datu, dalawa ang masusugid na mangingibig ni Kulala. Naririyan si Anturo na anak ni Datu Basti at naririyan si Madur na anak ni Datu Tawilis. Sapagkat kayamanan ang tanging pamantayan ni Uganda, binuo niya sa sariling matira sa matibay ang dapat na paglabanan ng dalawa. Minsang nagkasabay sa panliligaw ang dalawa ay nagparunggitan sila sa isa’t-isa. Nagkapikunan at nagkainisan hanggang sa nagbunutan ng sandata. Sapagkat kapwa gusto nilang makamit ang kagandahang pinag-aawayan, ang pakikipaglaban ay nagwagi sa pakikipagkaibigan na nauwi sa dalawang kaluluwang naging bangkay.
Humahagulgol si Kulala sa sinapit ng dalawang mangingibig. Punung-puno ng kalungkutan ang katauhan niya. Lalong nangamba ang dalaga nang sunud-sunod pang naglaban ang marami pang mangingibig na handang mag-alay ng buhay mapagwagian lamang ang kaniyang pagmamahal. Sa dami ng dugong dumanak ay lito ang isip na tinalunton ni Kulala ang daan patungo sa ituktok ng bundok.
“Bathala ng Kabundukan!” nakalahad ang mga kamay na sigaw ni Kulala, “Kunin na po Ninyo ako sa daigdig na kinaroroonan ko! Hirap na po ang kalooban kong maging instrumento upang pag-awayan ng mga mangingibig ko. Marami na pong dugong dumanak sa mga sakim na pagnanasang maangkin ako ng mga pagmamahal na lubhang makasarili at materyoso. Kunin na po ninyo ako. Maawa na po kayo!” pagmamakaawa ng lumuluhang dalaga na hindi nakadama ng pag-ibig na nakauunawa at sagrado.
Ilang sandali lamang ay dumilim ang kalangitan at bumuhos ang malakas na ulan. Nagsalubungan ang mata talim na kidlat at dagundong ng kulog sa kabundukan. Ang hapong katawan ni Kulala ay bangkay na napalugmok sa ituktok ng bundok. Nang sumikat ang araw ay natagpuan ng mga tao si Kulala na bagamat wala nang buhay ay may ngiti ang mga labi sa katuwaan.
Niyapos ni Uganda ang bangkay ng anak. Alam niyang ginusto ni Kulalang lisanin ang daigdig.
Maligaya si Kulala sa kinaroroonan ni Bathala. Sa tuktok ng Bundok ipinalibing ni Uganda ang bangkay ng anak.
Lagi niya itong dinadalaw hanggang sa isang araw ay may halamang tumubo dito. Inalagaan niya ang halaman. Nang magbunga ay napansin niyang kahawig ito ng mapuputing ngipin ni Kulala. Tumingala sa langit si Uganda at malinaw na narinig ang tinig ni Bathala.
“Nasa kaharian Ko na si Kulala at masayang-masaya. Ang halamang iyan ay magpapaalala sa iyo sa mapuputing ngipin ng anak mo. Alagaan mo at ipakilala sa mga tao.”
Kumuha ng mga bunga ng halaman si Uganda at ipinatanim sa mga kapitbahay niya. Magmula noon ang mapuputing ngipin ni Kulala ay nakilala bilang rekado sa mga lutuing bahay na tinatawag ngayon bilang Bawang.