Ang Sandayo ay epikong-bayan mula sa mga Subanon na naninirahan sa bulubunduking nasa hanggahan ng Hilaga at Timog Zamboanga.
Kinalap, itinala, at isinalin ito sa Ingles ni Virgilio Resma, isang pampublikong guro sa Misamis, mula sa salaysay ng isang babaeng Subanon na kilala bilang si Perena, sa loob ng pitong magkakasunod na gabi, simula ika-9 ng gabi hanggang ika-3 ng madaling-araw, noong ika-9 hanggang ika-16 ng Hunyo 1980.
Una itong nailatlahala sa pamagat na Keg Sumba Neg Sandayo sa Kinaadman: A Journal of the Southern Philippines noong 1982.
Pinamagatan naman itong Sandayo sa salin sa Filipino ni Antolina T. Antonio bilang pagkilála sa bayani ng epikong-bayan.
Pangunahing tauhan ng epikong-bayang ito si Sandayo, anak nina Datu Salaria at ng asawa nitong si Salaong ng Tubig Liyasan. Gayunman, hindi siya iniluwal ng kaniyang ina kundi nahulog sa buhok nito sa ikasiyam na ulit na pagsuklay.
Sa pagsapit ng kaniyang unang buwan, ipinasiya ni Sandayo na maglakbay at mula roon ay masasaksihan ang katapangan at kahusayan ng bayani sa pagharap sa mga hamon at labanan.
Binubuo ng 4,843 taludtod, isa ang Sandayo sa tatlong epikong-bayan ng mga Subanon. Ang dalawa pang nailathala na rin ay ang Ang Guman ng Dumalinao na binubuo ng 4,063 taludtod at ang Ag Tobig Nog Keboklagan na binubuo ng 7,960 taludtod.
Kilalá rin ito sa tawag na guman na tumutukoy hindi lámang sa epikong-bayan ng mga Subanon kundi maging sa paraan ng pag-awit nito. Nagaganap ang pagsasalaysay nito sa isang buklog, ang isang linggong pagdiriwang na kinapapalooban ng awitan, sayawan, at kainan.
Kaugnay nitó, pinaniniwalaan ng mga Subanon na kapag may isang ibong dumapo sa bubong sa panahong inaawit ang epiko, ito ay ang kaluluwa ni Sandayo–ang bayaning mangangalaga sa kanilang mga lupain at tubigan at magpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ng pamayanan.