Noong bata pa ang mundo, ang aso, pusa at daga ay matalik na magkakaibigan. Nakatira sila sa loob ng isang bahay ng kanilang amo na siya namang nagbibigay sa kanila ng masarap na pagkain.
Isang araw, nagluto ang kanilang amo ng isang malaking hiwa ng karneng baka. Ipapakain niya ang karne sa bisitang darating kinagabihan. Dahil kinakailangan niyang magtungo sa bukid upang diligan ang mga tanim, tinawag niya ang kanyang alagang aso, pusa at daga.
“Pupunta ako sa bukid. Nakahanda na ang inyong pagkain sa kusina. Pero bantayan ninyo ang tapang nakalagay sa mesa. Handa ko iyon sa bisita na darating mamayang gabi,” bilin ng amo.
Nang makaalis na ang amo, sadya namang nag-uanahan ang aso, pusa at ang daga tungo sa kusina. Doon ay nakita nila ang tatlong plato na may kanin at gulay. Ang unang plato ay para sa aso; ang pangalawa ay para sa pusa; at ang pangatlo ay para sa daga. Pagkatapos kumain, nagsimula nang magbantay ang tatlo sa masarap na tapa.
“Ang sarap siguro ng tapang baka,” sabi ni daga sa sarili
“Paano ko kaya makukuha ito ng di napapansin nina pusa at aso?”
Upang bigyang katuparan ang kanyang maitim na balak sa karneng nasa mesa, sinubukan ni daga na bolahin ang mga kaibigan.
“Mabuti pa ay doon ka na lang magbantay gate. Baka kasi may pumasok na ibang tao. Kami na lang ni pusa ang magbabantay dito sa kusina,” mungkahi ng daga sa aso.
“Tama ka, daga. mas mabuti nga naman ang may bantay sa bakuran,” tugon ni aso, sabay labas ng bahay.
Pagkaalis ng aso,ang pusa naman ang binola ng daga.
“Aba, kaibigang pusa! Napansin ko panay ang hikab mo. Mabuti pa ay matulog ka na muna. Ako nalang ang magbabantay sa tapang baka.” mungkahi ng tusong daga.
Pumayag naman ang inaantok sa pusa. Nang tulog na ito, maingat na tinawag ng daga ang mga kaibigang daga sa loob ng malaking lungga.
“Bilisan ninyo! Hilahin ninyo ang tapa palabas ng bahay. Dalhin ninyo ang tapa sa ating lungga. Mamayang gabi, kapag tulog na ang lahat, saka natin iyan kakainin,” utos niya sa mga kasama na pawang nanlalaki ang mga mata sa sarap ng tapa na kanilang binabatak.
Tangay ang tapa, lumabas nang mabilis ang mga kabarkadang daga. Tumabi naman ang tusong daga sa nahihimbing na pusa. Nagkunwari itong natutulog din.
Unang nagising ang pusa. Laking gulat nito nang matuklasan niyang wala na ang tapa.
“Anong nangyari? Bakit wala na ang tapa?”
Niyugyog ni pusa ang natutulog pa ring daga. “Nasaan ang tapa?Wala na ang tapa!”
“Ha? E..hindi ko alam.” ang sagot ng naalimpungatang daga.
Samantala dahil sa ingay ng daga at pusa, napasugod tuloy sa kusina ang aso. Galit na galit ito nang malaman ang nangyari.
“Ikaw pusa, ang mas malaki. Dapat ikaw nga ang higit na nagbabantay sa nakalatag na tapa, grrrr!!!”
Dinamba ng aso ang pusa na sa takot ay nagtatakbo sa buong kabahayan. Lihim na nakangiti ang dagang nagpasimuno sa kaguluhan.
Habang nagkakagulo ang tatlo, dumating ang kanilang amo. Matinding galit ang ipinamalas nga amo sa tatlo.
“Dapat ay parusahan ko kayo. Mula ngayon, sa labas na kayo ng bahay titira. Ang kakainin ninyo ay pawang tira-tira. Magtitiyaga kayo sa kaning-lamig, tinik, at buto!” nanlilisik ang mga mata ng amo sa galit.
Sa labas ng bahay, patuloy ang away at sisihan ng aso, pusa, at ang daga. Sinisisi ng aso ang pusa,
Ang hindi alam ng daga ay palihim pala siyang minamatyagan ng pusa. Pagkagat ng dilim, nagkunwaring tulog ang pusa. Nakita niyang bumangon ang daga at lumabas ng bakuran. Matahimik at marahan niyang sinundan ang daga.
Nakita ng pusa na pumasok ang daga sa isang butas. Pinuntahan niya ang butas at dahan-dahang binungkal ang lupa sa tabi nito.
Pagkatapos niyang matibag ang lupa, tumambad ang malawak na lungga. Gulat na gulat siya sa natuklasan. Ang kanyang kaibigang daga at iba pang ka-tropa nito ay kumakain ng tapa! Ang tapang nawala sa hapag-kainan.
“Sabi ko na nga ba! Meooww!” nilundag niya ang daga dahil nakatakas ito.
Magmula noon ay hindi na sumama sa pusa at aso ang daga. Kasama ng ibang daga, nanatili na lamang siya sa loob ng lungga. Samantala, lalong humirap ang kalagayan ng aso at pusa. Tuwing naiisip ng aso ang kanyang kalunus-lunos na kalagayan, umiinit ang kanyang ulo at hinahabol niya ang pusa. Kapag nakakakita naman ng daga ang pusa, nagngingitngit siya at hinuhuli niya ito. Pilit niyang pinapaluwa sa daga ang tapang ninakaw at kinain nito.
Nakakatawa ngang talaga kung pilit iisipin. Tapa ang dahilan kung bakit ngayon ay magkakagalit ang aso, pusa at daga.