Bakit Umaawit ang Lamok sa Labas ng Iyong Taynga

Galit na galit ang Haring Alimango dahil hindi siya makatulog noong gabing nagdaan. “Sino ba iyong tawa ng tawa ng napakalakas kagabi?” Tanong niya sa bantay niya.

“Hindi ako nakatulog sa katatawa niya.”

“Si Palaka po.” sagot ni Aso. “Pati nga po ako ay hindi rin nahimbing.”

“Tawagin mo si Palaka,” utos ng hari

Nang dumating at tanungin si Palaka, ang sagot nito ay, “Paano po kayong hindi matatawa dito kay Pagong? Tuwing lalakad siya ay dala-dala niya ang kanyang bahay.”

“Tawagin mo si Pagong,” utos ng Hari.

Tinawag si Pagong at ito’y tinanong ng hari, “Bakit ba tuwi kang lalakad ay dala-dala mo ang iyong bahay? Pinagtatawanan ka tuloy ni Palaka, at dahil sa kanyang ingay ay hindi ako nakatutulog.”

“Kaya ko po dala ito lagi ay dahil nang maiwanan kong minsan, dinapuan ni Alitaptap na may dalang ilaw. Kamuntik na pong masunog. Lagi pong may dalang ilawan si Alitaptap sa gabi.”

“Paparituhin ninyo ni Alitaptap,” utos na muli ni Haring Alimango

“O, bakit ka ba laging may dalang ilawan?” tanong niya sa kulisap nang ito’y makaharap niya.

“Tulo’y dala lagi ni Pagong ang kanyang bahay dahil baka daw ito masunog kapag iyong dinapuan. Pinagtawanan naman siya ni Palaka at ako ay hindi nakatulog sa labis na ingay.”

“Kasi po, kapag nasasalubong ko si Lamok sa dilim ako ay kanyang kinakagat. Nagdadala po ako ng ilaw para kapag nakita ko siya nakalalayo agad ako,” mangiyak-ngiyak na pakli ni Alitaptap.

“Si Lamok ang dahilan ng lahat ng gulo. Talagang makulit iyang si Lamok na iyan. Paparituhin siya agad.”

Dumating si Lamok at dahil tinawag siyang makulit at dahilan ng gulo, galit niyang kinagat si Haring Alimango. Nabigla ang hari at hinampas niya si Lamok. Tumumba ito at namatay.

Nabalitaan ng mga lamok ang nangyari sa kamag-anak nila. Naghanda sila sa pagsugod sa Haring Alimango. Nakarating naman agad ito sa hari at sa malaking takot nito ay sumuot sa isang butas sa lupa para magtago.

Buhat nga noon, bawat butas na makita ng mga lamok ay inaaligiran nito sa paghahanap kay Haring Alimango.

Ito rin an dahilan kung bakit tila umaawit ang lamok sa labas ng iyong taynga.

Bakit Umaawit ang Lamok sa Labas ng Iyong Taynga