Bakit Ikinakawag Ng Mga Aso Ang Kanilang Buntot

May isang mayamang lalaki sa isang bayan na may alagang aso at pusa na talaga namang maraming pakinabang sa kaniya.

Ang aso’y marami nang napagsilbihang amo at tumanda na rin ito nang husto kaya hindi na kayang makipaglaban pa. Ngunit mabuti siyang gabay at kasa-kasama ng pusa na malakas at matalino.

May anak na babae ang amo nila na nag-aaral sa isang kumbento na may kalayuan sa bahay. Madalas niyang inuutusan ang aso at ang pusa na dalhan ng mga regalo ang kaniyang anak.

Isang araw, tinawag niya ang matatapat niyang alaga. Inutusan niya silang dalhin ang mahiwagang singsing sa anak niya.

“Malakas ka at matapang,” sabi niya sa pusa. “Maaari mong dalhin ang singsing pero ingatan mo na huwag itong malaglag.”

At sinabi niya sa aso, “Kailangang samahan mo ang pusa nang magabayan at maipagtanggol siya sa kapamahakan.”

Nangako sila na gagawin nila ang kanilang makakaya, at saka umalis. Maayos naman ang lahat hanggang sa makarating sila sa isang ilog. Dahil walang tulay at wala ring bangka, walang ibang paraan para makatawid kundi ang lumangoy.

“Ibigay mo sa akin ang mahiwagang singsing,” sabi ng aso nang handa na silang lumundag sa tubig.

“Hindi puwede,” sagot ng pusa. “ipinahawak sa akin ito ng amo natin.”

“Ngunit hindi ka magaling lumangoy,” katuwiran ng aso. “Malakas ako at kaya ko itong pag-ingatan.”

Subalit tumanggi ang pusa na ibigay ang singsing. Hanggang sa binantaan siya ng aso na papatayin siya, kaya napilitan siyang ibigay na rin ito sa aso.

Napakalawak ng ilog at napakalakas ng agos kaya lubha silang napagod. At bago nila marating ang kabilang pampang, nahulog ng aso ang singsing. Hinanap nila itong mabuti subalit hindi nila ito nakita kahit saan.

Makalipas ang ilang sandali, bumalik na sila upang sabihin sa amo nila ang malungkot na pagkawala ng singsing. Bago pa man makarating sa bahay, natakot ang aso kaya tumakbo siya papalayo. At hindi na siya nakita pang muli.

Mag-isang tumuloy ang pusa. Nang makita ng amo na parating na ito, tinawag niya ito at tinanong kung bakit nakabalik siya agad at kung ano ang nangyari sa kaibigan niya. Natakot ang kawawang pusa. Pero ipinaliwanag niyang mabuti kung paano nawala ang singsing at kung bakit lumayas ang aso.

Galit na galit ang amo nang marinig ang kuwento nito. Iniutos niya sa lahat ng mga tauhan niya na hanapin ang aso at parusahan siya sa pamamagitan ng pagputol ng buntot niya.

Iniutos din niya na tumulong sa paghahanap ang lahat ng aso sa mundo. Mula noon kapag nasasalubong ng isang aso ang kapwa niya, nagtatanong siya, “Ikaw ba ’yong matandang aso na nakawala sa mahiwagang singsing? Kung oo, kailangang putulin ang buntot mo.” Agad-agad, ang bawat isa ay nagpapakita ng kanilang ngipin at iwinawasiwas ang kanilang buntot upang patunayan na hindi sila ang salarin.

Simula rin noon, takot na ang mga pusa sa tubig. At hanggang maiiwasan, hindi sila lumalangoy para tumawid sa ilog.

Bakit Ikinakawag Ng Mga Aso Ang Kanilang Buntot