Noong unang panahon, may isang uwak na bumili ng magandang kuwintas mula sa isang mangangalakal.
Ipinagmamayabang niya ang nabili kaya isinabit niya kaagad ito sa leeg niya upang makita ng lahat.
Pagkaraan, lumipad siya sa malayo hanggang sa nakarating sa isang magandang maliit na hardin.
Doon niya nakita ang matagal na niyang kaibigan na si Inahing Manok na mayabang na naglalakad sa buong paligid kasunod ang mga sisiw niya.
Sabi ni Inahin sa kaniya, “O, napakaganda naman ng kuwintas mo. Maaari ko bang hiramin? Ibabalik ko sa iyo ito bukas na bukas din.”
Gusto ni Uwak ang inahin kaya kusang ipinahiram nito ang kuwintas sa loob ng isang araw.
Kinaumagahan, bumalik si Uwak para sa alahas niya. Nakita niya si Inahin at mga sisiw na nangangalaykay sa lupa malapit sa lumang pader.
“Nasaan ang kuwintas ko?” tanong ni Uwak.
“Nawawala,” sagot ni Inahin. “Kinuha ito ng mga sisiw ko kahapon habang natutulog ako at ngayon hindi na nila matandaan kung saan nila ito nailagay. Maghapon na kaming naghanap ngunit hindi pa namin ito nakikita.”
“Kailangang bayaran ninyo ito kaagad,” wika ng uwak. “Kung hindi, pupuntahan ko ang hari at sasabihin kong ninakaw ninyo ang kuwintas ko.”
Natakot ang inahin sa sagot na ito. Nagsimula siyang mabahala kung paano siya makaiipon ng perang kailangan. Ang uwak na papunta noon sa isang pista ay nayayamot na nagsabi,
“Kukuhanin ko ang isa sa mga sisiw mo kada araw bilang kabayaran sa utang mo. Kapag nahanap mo ang kuwintas, ibigay mo kaagad sa akin. Saka ko lang titigilan ang pagkain sa mga sisiw mo.” Napilitang makontento ang inahin sa kasunduang ito, sapagkat kung tatanggi siya, baka magpunta ang uwak sa hari.
Hanggang ngayon, makikita mo na magkasama ang inahin at ang mga sisiw na nangangalaykay sa lupa sa paghahanap sa nawawalang kuwintas. Ang mga uwak naman ay patuloy na naghahanap ng bayad sa nawawalang alahas sa pamamagitan ng pagkain ng mga sisiw.
Sinasabi na ang mga inahin at sisiw ay di kailanman titigil sa pagkahig sa lupa hangga’t hindi nahahanap ang nawawalang kuwintas.