Isang araw ay may lumapit kay Jesus na isang eskriba na dalubhasa sa kautusan upang siya ay subukin. Tinanong niya si Jesus ng, “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?”
Sumagot si Jesus at itinanong sa lalaki, “Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?”
Anang eskriba ay ibigin ang Panginoong Diyos ng buong puso, kaluluwa at lakas. At ibigin ang kapwa gaya ng sarili.
Tama umano ang sagot ng lalaki ayon kay Jesus. Gawin daw iyon at magkakamit siya ng buhay na walang hanggan.
Ngunit upang hindi lumabas na kahiya-hiya ang lalaking dalubhasa sa kautusan ay nagtanong pa ulit ito kay Jesus.
“Guro, sino po ang aking kapwa?”
Kaya naman inihayag ni Jesus ang talinghaga tungkol sa mabuting samaritano.
Isang araw ay may taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan. Hinubaran, binugbog, at iniwang halos patay na.
May isang pari na napadaan sa lugar ngunit sa halip na tulungan ay lumihis siya ng daan at nagpatuloy lamang sa paglalakad na parang walang nakita.
Ganun din ang ginawa ng isang Levita na nakakita sa bugbog saradong katawan ng lalaki.
Nagkataon namang napadaan ang isang lalaking Samaritano na naglalakbay at nang makita ang lalaki ay agad niya itong tinulungan. Siya’y naawa dito, binuhusan at nilinis ang sugat saka binendahan.
Pagkaraan ay isinakay niya ang lalaki sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan siya doon.
Bago umalis kinabukasan ay nag-iwan pa siya ng dalawang salaping pilak ang namamahala ng bahay-panuluyan at nagbilin na alagaan niya muna ang lalaki at kung sakaling may magastos pa siya na higit sa iniwan niyang pera ay babayaran na lamang niya ito sa kanyang muling pagbabalik.
Pagkatapos mailahad ni Jesus ang talinghaga ay nagtanong ito, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?”
“Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng eskriba.
Kaya’t sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon, humayo ka’t gayon din ang gawin mo.”