Ang Alamat ng Pasko

Noong unang panahon ay walang Pasko. Wala pang naririnig na awit ukol sa Pasko. Sinuman ay hindi pa nakakaalala ukol sa sanggol na si Hesus.

Malungkot ang mga tao noon. Nais nilang mapalapit sa Diyos. Nais din naman ng Diyos na maging masaya ang kanyang mga anak. Noon niya ipinadala ang Anak Niyang si Hesus sa Mundo.

Isang lalaking nagngangalang Jose at isang babaing kung tawagin ay Maria ang dumating sa nayon ng Bethlehem, Mahirap lamang sila at walang maraming salapi. Sinubukan nilang manuluyan upang maipanganak ng maayos si Hesus.

Subaili’t walang nagbigay ng tulong sa kanila bagkus ay pinagsarhan pa sila ng mga pintuan at bintana. Ipinagtabuyan sila hanggang sa sila ay mapadpad sa isang sabsaban. Sa loob ng sabsaban ay may ilang hayop. Nilinis iyon ni Jose. Napakalamig sa lugar na iyon. Pumasok si Maria sa loob.

Ang paligid ng yungib ay biglang nagliwanag. Hindi nagtagal at isinilang ni Maria si Hesus, ang anak ng Diyos. Tinabihan siya ng baka at kabayo upang siya ay mainitan. Nagdatingan ang maraming anghel at nag-awitan. Iyon ang unang awit ng Pasko.

Ipinamalita ng mga anghel sa mga pastol ang pagsilang ni Hesus. Mabilis na kumalat ang balita sa buong bayan. Ang mga dukhang pastol ay agad na naniwala sa mga anghel. Patakbo silang nagtungo sa kinaroroonan ng Sanggol. Lumuhod sila at humalik sa Sanggol.

Tuwang-tuwa ang mga Pastol. Alam nilang dumating na ang Hari ng mga Hari. Sa gawing Silangan ay naroon ang tatlong Haring Mago. Natanaw nila ang malaking tala sa itaas ng sabsaban.

“Sundan natin ang talang iyon,” ang nawika ng tatlong Hari. “Marahil ay ituturo sa atin ang Dakilang Hari.”

Sinundan nga nila ang tala hanggang sa sumapit sila sa Belen. Doon namalas nila ang Sanggol na Anak ng Diyos. Nagbigay sila ng mga handog, ginto, pabango at mira. Kaya ang araw ng Pasko ay tinagurian na araw ng paghahandog. Sa araw na iyan ay ibinigay sa atin ng Diyos ang Anak niyang si Hesus.

Ang Araw ng Pasko ang kaarawan ni Hesus.

Ang Alamat ng Pasko