Si Payang ay anak ng isang mayamang mag-asawa mula sa Laguna. Ipinagkasundo siya ng ama’t ina sa anak na binata ng pinakamayamang angkan sa kanilang lalawigan.
Lingid sa mga magulang ay may nobyo na ang dalaga. Ito si Pepe, isang magsasaka.
Nagpasyang magtanan sina Pepe at Payang upang hindi mag-kahiwalay. Ngunit natuklasan iyon ng ama ni Payang at ipinahabol sa mga tauhan ang dalawa.
Nang abutan sila ay ipinabugbog ng ama ni Payang si Pepe sa dalawang tauhan nito at iniwang duguan. Si Payang naman ay sapilitang iniuwi sa kanilang bahay at ikinulong sa sariling silid.
Isang matanda ang nakatagpo kay Pepe. Sa pag-aaruga nito ay unti-unting bumalik ang lakas ng binata.
Ngunit huli na. Nalaman ni Pepe na namantay si Payang sa lungkot at sama ng loob.
Nagluksa ang binata at halos araw gabing umiyak. Nang tuluyang gumaling si Pepe ay agad tinungo ang libingan ni Payang.
Sa libingan ni Payang ay may nakita si Pepe na halamang tumubo malapit sa puntod. Tila nababantay ang halaman sa ulilang puntod ng dalaga.
Inalagaan ni Pepe ang halaman hanggang mamulaklak at mamunga. Nang mahinog ang prutas nito ay kanyang tinikman. Nasarapan siya sa lasa nito. Naalala ni Pepe ang nobyang si Payang dahil sa punong iyon.
Ang bunga ng puno ay tinawag niyang Payang. Nang lumaon ay naging papaya ang tawag dito ng mga tao.