Ang Amang Diyos nang bagong lalang ang mundo ay malulungkutin. Kanyang sinabi sa sarili, “Upang huwag akong malungkot, kailangang magkatao ang daigdig. Gagawa ako ng tao.”
Pagkasabi nito, Siya’y naghanda ng malaking hurno. Dito Niya lulutuin ang gagawing tao. Siya’y kumipil ng dalawang dakot na lupa, katulad ng pulang 1upang ginagamit sa paggawa ng palayok. Ang kipil na lupa ay ginawang hugis-tao. Pagka’t ang nais Niyang lumabas na tao ay kayumanggi, hinaluan Niya ng atsuwiti ang putik saka ito inilagay sa hurno.
Matamang tinanuran ng Amang Diyos ang pagluluto ngunit sa katapusa’y nakita niyang ang lumabas na lalaki at babae ay mapula. “Tila lumabis ang inihalo kong atsuwiti,” ang bulong Niya. “Nguni’t sayang naman kung itatapon ko sila.” Hiningahan ng buhay ang dalawang kalulutong hugis-tao kaya ang mga ito ay naging kauna-unahang mag-asawang Indian sa daigdig. Sila’y inilagay sa isang pulo.
“Ang ibig ko’y kulay kayumanggi. Iyan ang aking gagawin,” sabi ng Amang Diyos. Pagkasabi nito’y muli na namang kumipil ng dalawang dakot na putik. Ngayon ang isinama Niya’y katas ng luya. Nang mahugisan, inilagay ang mga ito sa hurno. Sila’y hiningahan ng buhay. Ang lumabas ay mag-asawang kulay dilaw. Nanghinayang siyang itapon ang mga ito kaya sila’y inilagay sa isang pulo. Ang mag-asawang iyan ang pinanggalingan ng mga Intsik at Hapones.
Hindi naglubay ang Poong Diyos hangga’t hindi Siya makalikha ng taong kulay kayumanggi. “Marahil ako’y magtatagumpay kung hindi ko masahing may kahalong kulay. Akin na lamang pagbubutihin ang luto sa apoy,” ang kanyang pangangatwiran.
Muli na namang kumipil ng lupa, hinugisan at inilagay sa hurno. Nakita Niyang wala nang apoy sa hurno. Kanyang muling nilagyan ng gatong. Napalabis ang gatong kaya naging mainit na mainit ang hurno. May paniniwala ang Amang Diyos na ang pagluluto nito’y kasing tagal din ng mga nauna kaya sa paghihintay Niya, lumabis ang pagkakaluto.
May naamoy Siyang nasusunog. Dali-daling hinango at ano ang kanyang nakita? Maitim at sunog na sunog ang mga tau-tauhang inilagay sa hurno. Pati mga buhok nila’y sunog at kulot. Nanghinayang ang Poong Maykapal na itapon ang kayang pinaghirapan. Ang mga ito’y hiningahan ng buhay kaya ang dalawa’y naging tao. Sila’y inilagay sa isang lunan upang doon mamuhay. Sila ang pinagmulan ng mga itim.
Hindi nawalan ng pag-asa ang Poong Bathala na Siya’y makalikha ng taong ang kulay ay kayumanggi. “Ang kulay kayumanggi ang gusto ko. Pakaiingatan ko ngayon ang pagluluto. Hindi ko pakaiinitin ang hurno. Katamtaman lamang na gatong ang aking ilalagay. At sinunod na nga ang lahat ng pag-iingat. Muling kumipil ng dalawang tau-tauhan, hinugisan, pinagyaman, saka inilagay sa hurno. Tila naman kakaunti ang apoy at sa takot na baka lumabis ang pagkakaluto, hinango kaagad. Sapagka’t hindi pa luto kaya ang dalawang tau-tauhan ay maputi. Katulad ng mga nauna, ayaw itapon ang mga ito sa panghihinayang. Matapos hingahan ng buhay, sila’y inilagay sa isang pulo. Sila ang pinagmulan ng mga Amerikano at Europeo.
Muli na namang kumipil ng dalawang dakot na lupa ang Poong Ama at nagsalita, “Hindi ako tutugot hangga’t hindi ako nakagagawa ng taong kulay kayumanggi. Sila ang aking pinakamamahal. Lalo akong magiging maingat ngayon, pagsisikapan kong huwag nang maulit pa ang aking kamalian tulad ng mga nauna.”
Sa katapus-tapusa’y ang naluto sa hurno ay mag-asawang kayumanggi. Sila’y hiningahan ng buhay at nariyan ang kinagigiliwang kulay, kayumanggi – hindi sunog ni hindi hilaw – samakatuwid, katamtaman. At sapagka’t pinakamamahal ng Diyos ang kulay kayumanggi, ang mag-asawa’y pinapamuhay sa isang katangi-tanging pulo, pulo ng yaman at kaligayahan. Iyan ang pulo ng Pilipinas na Perlas ng Silangan. Sa mag-asawang ito nagmula ang lahi ng mga raha at lakan.