Noong unang panahon sa isang malayong bayan, ay may isang babae na masasabing walang suwerte sa buhay. Siya ay si Kamalia. May asawa’t mga anak si Kamalia ngunit siya’y nagtiis ng katakut-takot na hirap.
Marami bisyo ang asawa ni Kamalia. Bukod sa hindi na siya nabibigyan ng pera ay sinasaktan pang madalas.
Dahil sa halos walatng ibili ng pagkain, naisipan ni Kamalia na pumasok na labandera sa kalapit bahay. Nagtiis siyang maglaba sa buong Maghapon. Hindi niya maatim na makitang ang kanyang mga anak ay nag-iiyakan sa gutom.
Nang malaman ng kanyang asawa ang paglala-bandera niya ay palaging kinukuha ang kinikita niya. Yao’y inuubos lamang sa alak at sugal. Pag hindi naman niya ibinibigay ay sinasaktan siya.
May mga kapitbahay na naaawa kay Kamalia. Madalas ay binibigyan ang mag-iina ng pagkain at mga lumang damit.
Gayon na lamang ang galit ng asawa ni Kamalia nang mabatid ang tungkol sa pagbibigay-tulong. Kundangan’y ayaw nitong tatanggap ang asawa’t mga anak ng anumang tulong sa mga kapitbahay.
Pinagsabihan si Kamalia na pag tumanggap pa ng mga bigay ng kanilang kapitbahay ay siguradong masasaktan siya.
Bunga niyon, hindi na binigyan si Kamalia ng kahit na anong tulong ng mga mababait niyang kapitbahay. Ayaw nilang masaktan pa ang kaawa-awang babae. Nahabag ang panganay na anak ni Kamalia sa kanya, Kaya napilitang magtrabaho ito. Paglilinis ng sapatos doon sa bayan ang kanyang hinarap.
Nang matuklasan ama na kumikita ang anak sa paglilimpiyabota, katulad ng ginawa sa kanyang ina ay kinuha rin niya ang kinikita. At gaya ng dapat-asahan, inuubos din sa sugal at alak. Sa gayon, madalas na hindi kumakain ang mag—iina.
Dahil sa patung-patong na kahirapan at labis na panghihina dala ng kakulangan sa sustansiyang kailangan ng katawan, nagkasakit si Kamalia. Hindi nag tagal ay namatay siya. Bago nalagutan ng hininga ang kahabag-habag na may nasabi sa mga anak.
Ang bangkay ni Kamalia ay inilibing sa likuran ng kanilang bahay. Hindi nagtagal, may tumubo roon isang halamang ang bunga’y mapupula. Nagtaka ang lahat sa nasabing halaman, At nang kanilang subuking tikman ang bunga ay nasarapan sila.
Dumami ng dumami ang nasabing halaman. Ang bunga niyon ay naipagbibili ng magkakapatid sa mga tagabayan. At bumuti nga ang kanilang buhay, katulad ng sinabi ng kanilang ina bago ito namayapa. Nagkatotoo rin na nagbago ang ugali ng kanilang ama. Nagsisi ito sa mga nagawang pagkukulang. Minahal na niyang mabuti ang mga anak.
Ang halamang nagbigay ng bagong buhay sa mga anak ni Kamalia ay tinawag na Kamatis. Ito’y kuha sa pangalan ni Kamalia at sa kanyang pagtitiis sa buhay – Kamalia…pagtitiis. At magmula noon, ang Kamatis ay nakilala bilang isang masarap na pagkain at pampalasa sa ulam.