Noong unang panahon, ang mundo ay sagana sa likas na yaman.
Walang puno ang hindi hitik sa bunga. Walang ilog ang hindi puno ng isda. Ang mga hayop sa gubat ay naglipana din. Dahil dito ang mga tao ay laging may mga piging.
Ito ay alay nila bilang pasasalamat kay Bathala. Lahat ng tao, bata man o matanda, lalake at babae, ay tumaba.
Tumaba sila ng tumaba hanggang sa tuwing maliligo kahit na pa tatlong tao lang sa sapa ay umaapaw agad tubig.
Ngunit may isang bata ang may bulate kaya lagi siyang walang gana. Habang lumolobo ang mga binti ng ate nya at nagkakagilit-gilit ang leeg ng kuya niya, siya ay lumaking seksi.
Ang pangalan niya ay Ipong.
Maganda si Ipong. Huwag lang haharap. Dahil kung anong ganda ng katawan ay siya namang pagkaimpakto ng mukha. Ang labi niya ay isang dipang kapal.
Ang ilong nya ay matangos naman ngunit bukaka ang mga butas. Ang mga mata niyang banlag ay animo’y laging gulat.
Isang araw naglalakad si Ipong papuntang piging ng may bigla siyang nakasalubong na babaeng humihingi ng limos. Ito na yata ang pinakamatabang babae na nakilala niya.
Dahil sa pandidiri ay nilayuan niya ito pero ang pulubi ay humabol at nagmakaawa.
“Aba’y lintek na babaeng ito! Ang langis mo! Paano na ako magugustuhan ni Pedro nyan!” ani ni Ipong sabay hawi ng buhok.
Nang biglang lumindol at nawala ang matabang babae, isang diwatang ubod ng ganda ang lumitaw sa harap niya.
“Ako si Minervie! Ang dyosa ng dagat! Dahil sa kasamaan mo, parurusahan kita! Simula ngayon, hindi ka na maglalakad sa lupa. Ikaw ay magiging isang nilalang sa karagatan..”
Biglang lumiwanag ang paligid at si Ipong ay naging hipon. Hanggang ngayon, makikita sa likod ng hipon ang bulate na nagmistulang sumpa nung hibi pa si Ipong.