Ang Alamat ng Garapon

Noong unang panahon, panahon pa ng Hapon, mura pa ang mamon, at sumisikat pa lang ang bihon, ay may batang nagngangalang Timon. Si Timon ay sikat na sikat sa kanilang nayon, siya ang paboritong tuksuhin ng mga maton na taga-roon.

Isang araw bago matapos ang mag-hapon habang umuuwi ang mga ibon ay pauwi na rin si Timon buhat sa pagbili ng turon, ng biglang, “Hoy Timon, Hipon!” Sigaw ng mga maton. “Timon, Timon, Hipon!, ahahaha..” ang sabi ng mga maton. Lumingon si Timon na tumutulo ang sipon, “Sinong hipon?” ang tanong ni Timon. “Isusumbong ko kayo sa tiyo kong may baton!” Nagtawanan ang mga maton at sinabing, “Ah si Timon pikon! Pikon, pikon, pikon!”

Tumakbong pauwi si Timon na mas matulin pa sa nagma-marathon. Pagdating nya sa kanilang mansyon ay tinanong sya ng kanyang Yaya Sharon, “Oh Timon, ba’t labas ang iyong sipon?” Sagot ni Timon: “Tinutukso ako ng mga maton, mukha raw akong hipon.” Ang sabi naman ni Yaya Sharon: “Timon hayaan mo lang ang mga ‘yon, wag kang mapikon, balang araw ay mapipisa ang mga ‘yon ng pison, hala sige halika na at kumain ka na ng sotanghon.” “Ah basta yaya isusumbong ko sila kay Tito Bon, pukpukin sana sila ng baton at itapon sa kariton!” Ang matigas na sagot ni Timon.

Kinaumagahan, pagkakain ng agahan si Timon.. (abah teka ibalik natin sa –on) Pagkatapos lumamon ni Timon ng pandesal at hamon ay lumabas na sya ng mansyon upang makipaglaro sa mga taga-roon ng pataasan ng talon; pagkalabas na pagkalabas nya ay naroroon na ang mga maton, “Ayan na si Timon Hipon na pikon!” Sigaw ng mga maton at nagtawanan sila halos buong maghapon. Tulad ng nangyari noon ay umuwing luhaan at tulo ang sipon ni Timon.

Nagpaulit-ulit kay Timon ang ganoong sitwasyon, hanggang sa isang hapon nakita si Timon ng diwatang nakapantalon na mahilig sa melon; “Hoy ikaw Timon, masyado kang pikon..” sabi ng diwata na walang bahid ng pagka-mahinahon. “Madali kang mapikon sa bawat pagkakataon na hinahamon ka ng panahon. Di ka marunong bumangon at umahon kapag naluluklok sa madilim na balon, parang kaysarap mong bigyan ng leksyon! Madaling madala ng masamang alon ang damdamin mong pikon, kaya mukhang nararapat lang na gawin kitang garapon.” Iwinagayway ng diwatang nakapantalon ang kanyang baston, “Garapon, garapon, marupok pag tinapon, walang kakayahang piraso-piraso ay maipon, ngayon Timon ikaw na yon!” Di naglaon, si Timon ay nag-anyong garapon, hayun na si Timon na garapon, lagayan na ng polboron.

by Dana Dolor Montecillo
Ang Alamat ng Garapon